IBINUNYAG ng Commission on Elections (Comelec) na hanggang nitong Setyembre 29, nasa P840 milyon na ang nagastos ng Comelec para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections na itinakda ngayong Oktubre.
Nadadagdagan ang gastusin kada araw, dahil kailangan ng Comelec na magtuluy-tuloy ang mga paghahanda nito para sa mga aktibidad na matagal nang itinakda. Kinailangang magpatuloy ang pag-iimprenta ng mga balota kasama na ang pagtatalaga at pagsasanay sa mga magtatrabaho sa bawat voting precinct. Kahit pa maigting ang pagpupursigeng maipagpaliban ang halalan, hindi dapat na magpalagay ng anuman ang Comelec. Kailangang tumalima ito sa batas at itinatakda ng batas na idaos ang eleksiyon sa Oktubre 23, 2017.
Opisyal nang nilagdaan bilang batas nitong Oktubre 1, 2017 ang panukalang nagpapaliban sa eleksiyon sa Mayo 14, 2018. At sa petsa lang na iyon, ipinahinto ang paggastos sa halalan, na umabot sa P840 milyon. Inabot ng dalawang buwan bago napagtibay ng Kongreso ang nasabing panukala.
Malaking halaga na sana ang P840 milyon para gastusin sa iba pang pangangailangan ng gobyerno — gaya ng pabahay para sa milyun-milyong mahihirap na Pilipino, pambili ng mga armas at bala para sa mga tropa ng pamahalaan na nakikipagbakbakan sa Mindanao, o ilaan sa relief goods para sa mga biktima ng bagyo na regular na nananalasa sa ating mga isla. Subalit dapat na rin nating ikatuwa na ganap nang inihinto ang ating paggastos sa eleksiyon.
Higit pa sa halagang sangkot, mahalagang pag-aralan ang pinakakonsepto ng barangay at Sangguniang Kabataan elections, ang pag-isipan ang mga naging desisyon tungkol dito. Dalawang beses na itong ipinagpaliban. Ang una ay noong Oktubre 2016, dahil masyado raw itong malapit sa pambansang halalan noong Mayo 2016, at dumadanas umano noon ang publiko ng “election fatigue.” Ang ikalawang pagpapaliban sa eleksiyon ngayong buwan ay may iba pang dahilan — ang pangamba ni Pangulong Duterte na mahalal ang maraming opisyal ng barangay sa tulong ng perang kinita sa ilegal na droga.
Tinututulan ng National Citizens Movement for Free Elections (Namfrel) ang pagpapaliban ng paghahalal ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan. Ang eleksiyon ang sentro ng isang demokratikong pamahalaan, ayon sa Namfrel. Dapat na ito ay “competitive, fair, and with regularity.”
Dapat na muling pag-aralan ang sistema ng eleksiyon at pamumuno ng barangay at Sangguniang Kabataan. Dalawang beses nang ipinagpaliban ang halalan—na para bang ganoon lamang kadaling ilipat ang petsa nito nang hindi masyadong naaapektuhan ang bansa. Maaari kayang isabay na lamang ito sa lokal na paghahalalal ng mga gobernador at alkalde? Ano pang pagbabago ang dapat na gawin?
Hinihimok natin ang ating mga opisyal na masusing pag-aralan ang usapin at magtakda ng eleksiyong hindi karakarakang mababago, bilang napakahalaga nito sa ating sistemang pulitikal at sa atin mismong bilang isang bansa.