NI: Rommel P. Tabbad
Hindi magiging bagyo ang low pressure area (LPA) na una nang namataan sa Quirino.
Sa weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng lumabas na ang LPA sa Philippine area of responsibility (PAR) sa loob ng 24 oras.
Huling namataan ang nasabing sama ng panahon sa Maddela sa Quirino.
Gayunman, maaapektuhan pa rin nito ang Bicol Region, Batanes, Cagayan, Apayao, Ilocos Norte, at Babuyan Group of Islands na makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Ayon sa PAGASA, posible rin itong magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Makararanas naman ng maulap na papawirin at mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang Metro Manila at iba pang parte ng Luzon.