Ni DENNIS PRINCIPE
WALANG duda na basketball ang bagsak mo kapag ang height mo noong dekada 80’s at 90’s ay nasa taas na 6-foot-5.
Hindi maikakaila na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tumagal sa PBA ang dating Ginebra player na si Ed Ducut ng halos 10 taon.
Ang mga katulad ni Ducut ang hinahanap ng mga koponan noon bilang pangtapat sa mga dominant big men at imports ng PBA, katulad nina four-time Most Valuable Player Ramon Fernandez at Norman Black.
Hindi man niya nakamit ang kasikatan na may katumbas na mahabang playing time, isa si Ducut na pinapalakpakan oras na ipinapasok na ito sa playing court, katumbas ng isang Gerwin Jaco sa mga kasalukuyang basketball fans.
Malaking tulong din kay Ducut na naging parte siya ng pagsisimula ng Ginebra empire sa pangunguna ng tanyag na playing-coach na si Robert Jaworski.
“Iba talaga ‘yung Jaworski kasi hanggang ngayon, matagal na akong wala sa PBA, madami pa rin nakakakilala sa akin,” ani Ducut. “Mayroon pa ring mga imbitasyon, mga nagpapa-picture kapag nakilala nila ako.”
Mula Letran sa college, sumama si Ducut sa La Tondeña franchise na gamit pa noon ang Gilbey’s Gin.
“Nung pumasok na sina Sonny (Jaworski) at Francis (Arnaiz), dun na nagbago kasi one year after nun, si Sonny na ang nag-coach,” balik-tanaw ni Ducut. “Iba na kay Sonny kasi talagang dapat buhos lahat sa ensayo. Ako naman, ginagamit niya ako sa laro kapag kailangan na magbantay sa import.”
Bihira man siyang gamitin, marami rin naman ang hard court stories ni Ducut, isa na rito ang ginawa niyang pagdepensa sa Tanduay super import na si David Thirdkill.
“Sinabi ni Sonny sa mga players, ssi Ed nalimitahan si Thirdkill ng 30 points. 60 points ‘yan halos kung gumawa. Oh, eh di 30 points ang ginawa sa atin ni Ed.’ Ganoon kagaling mag-motivate si Sonny,” ani Ducut.
Kay Jaworski natutunan ni Ducut na hindi pang-habambuhay ang basketball kaya dapat unahin ng mga player ang pagsisimula ng pundasyon para sa kanilang kinabukasan.
“Lahat ng kita ko, sa lupa at gamit ko inilagay. Bumili din ako ng jeep na nagamit ko nung nag-retire na ako,” ayon kay Ducut.
Walong taon na naglaro si Ducut sa Ginebra bago ito lumipat sa Shell Turbochargers kung saan kasama siya sa pagsungkit ng kauna-unahang PBA crown ng prangkisa noong 1990.
Lilipat pa sana noon si Ducut sa Presto Tivoli noong 1991 ngunit napilitan na siyang umuwi ng Pampanga dahil sa perhuwisyong dulot noon ng Mt. Pinatubo.
Simple ngunit masayang buhay na ngayon ang tinatamasa ng 60-year-old na si Ducut sa Floridablanca, Pampanga kasama ang asawa na si Carmencita at apat na anak na nakapagtapos lahat ng kolehiyo sa tulong ng PBA Players’ Trust Fund.
Sa kabila nito, nagluluksa naman ang pamilya ni Ducut sa pagpanaw ng kanyang ikalawang anak na si Cris na nasawi sa isang vehicular accident noong Hulyo 30.
“Masakit syempre, pero ganoon naman siguro ang buhay, ano man mangyari dapat lahat matutuhan mong tanggapin, masaya man o hindi,” ani Ducut.