Ni MARIVIC AWITAN
GINAPI ng National University, sa pangunguna ni Matt Salem, na kumana ng season-high 21 puntos, ang University of the Philippines, 77-70, kahapon para tuldukan ang three-game losing skid sa UAAP Season 80 basketball tournament sa MOA Arena.
Nakabalik sa winning circle ang Bulldogs para sa 3-4 karta, habang natamo ng Maroons ang ikalimang sunod na kabiguan.
Sumabak ang Maroons sa kabuuan ng second period na wala ang pambatong si Jun Manzo, na nagtamo ng injury sa paa.
Naisalpak ni Salem ang three-pointer para sa 65-60 bentahe sa fourth period. Muli siyang bumuslo ng tres sa huling 45 segundo para selyuhan ang panalo ng Bulldogs, 75-68.
Humugot din si Salem ng 10 rebounds, habang kumubra si Issa Gaye ng 13 puntos, at tumipa si J-Jay Alejandro ng 12 puntos sa Bulldogs.
“UP fought really hard and we were both in a situation that we needed the win. We are just happy that after 40 minutes of basketball, we came out lucky and we got the game,” sambit ni NU Coach Jamike Jarin.
Nanguna sa Maroons si Paul Desiderio sa naiskor na 15 puntos, limang rebounds, tatlong assists, dalawang steals, at dalawang blocks, habang nag-ambag si Diego Dario ng 11 puntos.
Samantala, pagkaraang gulantangin ang Far Eastern University noong nakaraang Miyerkules, nagpatuloy ang momentum ng Adamson matapos pabagsakin ang University of the Philippines, 67-57, para tumapos na pang-apat sa first round kahapon ng women’s basketball tournament.
Sa pamumuno ni Nathalia Prado, na muling tumapos na may double double 20-puntos at 11 rebounds , naiposte ng Lady Falcons ang ikatlo nilang panalo sa pitong laro.
Nag -ambag naman sina Jamie Alcoy ng 15 puntos, at Jonalyn Lacson ng 15 rebounds para sa naturang panalo ng Adamson na nagdulot naman sa Lady Maroons ng kanilang ikapitong sunod na kabiguan.
“Yung run nung third quarter medyo nagpalaki ‘yung lamang namin,” ani Adamson Coach John Kallos. “Sinustain lang namin tapos well prepared ‘yung game plan namin para sa (UP), ‘yung dribble handoff nila sa press break. Medyo maganda ang viewing namin at ‘yung preparation for them.”
“Credit ko ‘yan para sa mga bata. They work hard. Ayaw nilang mag-break. Kahit pagod na pagod na kami sa schedule, ayaw nilang mag-break. Siguro ‘yun tingin ko ay gusto talaga ng mga bata manalo,” aniya.
Namuno sina Lou Ordoveza at Iriss Isip para sa Lady Maroons sa iniskor nilang 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nagtapos na No. 1 sa first round ang defending champion na National University, na winalis lahat ng kanilang pitong laro kasunod ang University of Santo Tomas, sa markang 6-1 panalo, habang pangatlo ang University of the East na may 5-2 kartada.
Iskor:
NU (77): Salem 21, Gaye 13, Alejandro 12, Joson 6, Diputado 5, Tibayan 4, Yu 3, Abatayo 3, Mosqueda 2, Morido 2, Aquino 2, Bartlett 2, Flores 2, Cauilan 0, Lastimosa 0, Rangel 0.
UP (70): Desiderio 15, Dario 11, Ja. Gomez de Liano 10, Lim 7, Ouattara 6, Manzo 6, Lao 6, Prado 5, Ju. Gomez de Liano 4, Vito 0, Ricafort 0.
Quarterscores: 18-21; 33-38; 56-53; 77-70.