Kasado na ang dalawang-araw na malawakang kilos-protesta ng mga jeepney driver sa buong bansa para sa buwang ito, pagkukumpirma ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON).
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, kasado na ang transport strike sa mga rehiyon sa bansa upang batikusin at kondenahin ang kautusan ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa jeepney phase-out bilang pagtupad sa programang modernisasyon sa transportasyon.
Hindi naman inihayag ng PISTON ang petsa ng ikakasa nilang tigil-pasada.
Tinutulan ni San Mateo ang sinabi ng DoTr na sa ilalim ng modernization program at mababawasan ang problema sa trapiko, dahil apektado naman, aniya, ang kabuhayan ng mga nasa sektor ng transportasyon pati na rin ang mga commuter.
Kaugnay nito, nanawagan si San Mateo sa lahat ng sektor ng komunidad na lumahok sa transport strike upang pakinggan ng pamahalaan ang kanilang hinaing. - Jun Fabon