By: Jeffrey G. Damicog
Inalok ng Department of Homeland Security ng Amerika ang gobyerno ng Pilipinas na hahanapin at ibabalik sa Pilipinas ang Aegis Juris fratman na kaagad na tumakas patungong Amerika kasunod ng pagkamatay sa hazing ng neophyte nilang law student ng University of Sto Tomas (UST) na si Horacio Tomas “Atio” Castillo III.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, nagpahayag ng kahandaan ang Amerika na ibalik sa bansa si Ralph Trangia, na umalis sa Pilipinas kasama ang kanyang ina na si Rosemarie Trangia nitong Setyembre 19.
“Nagparamdam na ang Department of Homeland Security kung gusto raw ng Pilipinas any help for the return of Trangia,” ani Aguirre.
Kasunod ng pag-alis ni Trangia, kaagad na hiniling ni Aguirre sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte nito upang maipatapon pabalik sa bansa.
Gayunman, inamin ng kalihim na hindi kaagad makakansela ang pasaporte ni Trangia dahil may ilang kondisyon pa ang DFA na kailangang matupad bago tuluyang makansela ang passport.
Natukoy na pag-aari ng ama ni Trangia, si Antonio Trangia, ang Mitsubishi Strada na nagdala sa labi ni Castillo sa Chinese General Hospital, umaga ng Setyembre 17, kasunod ang isa pang frat member at pangunahing suspek na si John Paul Solano.