NAHALAL si German Chancellor Angela Merkel para sa ikaapat na termino sa eleksiyon nitong Setyembre 24, at nakuha naman ng kanyang konserbatibong Christian Democratic Union (CDU) ang 33 porsiyento ng mga boto, at dinaig ang Social Democrats na may 21 porsiyento. Subalit nakakuha ng 13 porsiyento ang far-right na Alternative Fur Deutschland (AFD), kaya napasok ng mga right-wing extremist ang Bundestag sa unang pagkakataon simula noong panahon ng Nazi.
At bagamat nanatili kay Merkel ang pamumuno sa Germany, sinabi ng mga analyst na ang pagdagsa ng refugees ang nag-iisa at pinakamalaking dahilan sa pamamayagpag ngayon ng mga right-wing extremist na tumututol sa polisiya ni Merkel sa pagtanggap ng refugees simula noong 2015.
Samantala, sa Amerika naman ay patuloy na isinusulong ni President Donald Trump ang polisiya na malinaw na kontra sa imigrasyon, na higit na binigyang-diin ng pagbibigay-tuldok niya sa programang Deferred Action for Childhood Arrivals (DACA) na nagpapahintulot sa mga anak ng mga na-deport na illegal immigrant na manatili sa Amerika.
Taliwas ito sa umiigting na sentimyento na inilunsad ni Pope Francis nitong Setyembre 27, isang dalawang-taong education campaign tungkol sa pagdurusa ng mga immigrant sa iba’t ibang dako ng mundo, sa pangunguna ng Caritas Internationalis ng Vatican, na pinamumunuan ng ating si Archbishop Antonio Luis Cardinal Tagle.
Sa paglulunsad ng kampanya sa Vatican, binalikan ni Cardinal Tagle sa alaala ang sarili niyang lolo na dating batang immigrant mula sa China. “Who would think that he would produce a cardinal grandson?” sabi ni Archbishop Tagle.
“Don’t close the doors,” paghimok niya sa mga bansa na nais puntahan ng maraming immigrant mula sa Gitnang Silangan at Africa. “You might be closing the doors on people who might enrich your society.”
Hinikayat ni Pope Francis, na mismong anak ng mga Italian immigrant sa Argentina, ang mamamayan na harapin ang mga migrante, pakinggan ang kanilang mga kuwento, at buong-puso silang tanggapin. Dahil ang mga migrante, aniya, ay armado lamang ng pag-asa, ang kaparehong kaugaliang Kristiyano kapag umaasam ng maginhawang buhay. Ang dalawang-taong education campaign tungkol sa pagdurusa ng mga migrante, na tinatawag na Share the Journey, ay layuning kontrahin ang lumalawak na sentimyento kontra imigrasyon sa Europa at Amerika.
Ang nasabing kampanya ang tugon ng Vatican sa lumalalang xenophobia at kawalang malasakit sa refugees sa iba’t ibang panig ng mundo sa ngayon. Hinihikayat ang mga Katoliko na makibahagi sa pagkilos ng sangkatauhan upang suportahan ang mga immigrant, sa pamamagitan ng pagpo-post ng mga mensahe sa social media, at pakikibahagi sa mga aktibidad kung saan magkakasama-sama sila at magtutulungan. Isa itong dakilang hakbangin na maipagmamalki natin sa Pilipinas, na ang kababayan nating si Cardinal Tagle ang pinuno ng Caritas Internationalis na itinalaga ni Pope Francis upang pangunahan ang kampanya.