Ni REGGEE BONOAN
NAKITA namin sa cast party ng The Debutantes sa Thai BBQ si Aaron Villaflor at tinanong kung sino ang sinusuportahan niya sa pelikula na sinagot lang niya ng ngiti.
Biniro namin siya kung may plano rin siyang lumipat ng GMA-7 tulad ni Matt Evans na nakasama niya sa The Greatest Love.
“Hindi ko pa naman naiisip na lumipat, okay pa naman ako,” nakangiting sagot ng aktor.
May dalawang pelikulang ginagawa si Aaron, ang historical movie na Goyo: Ang Batang Heneral na pinagbibidahan ni Paulo Avelino under Tuko Film Production/Buchi Boy Entertainment at Artikulo Uno Productions sa direksiyon ni Jerrold Tarog at isang horror movie sa direksyon naman ni Jose Javier Reyes.
Ayon sa handler ni Aaron na si Mac Merla ng Cornestone Talent Management, masaya ang aktor sa ABS-CBN at hindi siya lilipat ng GMA.
“May inaayos na teleserye sa kanya,” sabi ni Mac.
Walang binanggit kung anong unit ang follow-up serye ni Aaron pagkatapos ng The Greatest Love.
Samantala, mukhang hindi na loveless si Aaron dahil nakita siyang rumampa sa red carpet ng 25th anniversary ng Star Magic kasama si Jane de Leon, isa sa cast ng The Debutantes.
Finally, may nagpapatibok na ng puso sa binata na ilang taon ding walang girlfriend.