Ni FER TABOY, May ulat ni Freddie C. Velez
Tatlong katao, kabilang ang isang sanggol, ang kumpirmadong nasawi at 44 na iba pa ang nasugatan matapos na sumabog ang isang tangke ng tubig sa Barangay Muzon sa San Jose Del Monte City, Bulacan kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jimmy Garcia, 50; Elaine Chamzon, 22; at Jaina Espina, isang taong gulang.
Ayon kay Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose del Monte City Police, dakong 3:30 ng umaga nang bumigay ang tangke ng tubig.
Nakalapat umano sa lupa ang naturang tangke na gawa sa bakal. Ito ay may laki na 13 meters X 14 meters, may taas na tatlong palapag at may capacity na 2,000 cubic meters.
Ayon kay Supt. Macariola, ginagamit ng water district ng San Jose Del Monte ang tangke at posibleng puno ito ng tubig kaya sumabog.
Sa lakas ng pressure ng tubig, nasira ang ilang istruktura, mga bahay, isang gasolinahan, at isang police station malapit sa tangke.
Patuloy naman ang clearing operations ng pulisya upang tiyaking wala nang iba pang nabiktima sa trahedya.
Tiniyak naman ni Mayor Arthur Robes na magkakaloob ng tulong ang pamahalaang lungsod sa mga biktima.
“Hindi natin kagustuhan ang nangyari. Lahat ng gastusin sa ospital at pagpapalibing sa mga nasawi ay sagot ng city government,” sabi ni Robes.
Sinabi pa ni Robes na pangungunahan niya ang binuo niyang Task Force na magsasagawa ng imbestigasyon sa sanhi ng insidente; kung bumigay ang tangke dahil sa disenyo nito, o dahil sa water pressure.