Ni: Jeffrey G. Damicog
May hinala si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na ang pagpatay ng mga pulis sa tatlong teenager kamakailan ay parte ng plano sa pagpapabagsak kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Sa kanilang pagkikita kahapon sa Department of Justice (DoJ), ikinuwento ni Aguirre na sinabi ni Albayalde na sa mahigit 500 kabataan na inaresto sa mga anti-drug operation, tanging sina Kian Loyd delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, at Reynaldo “Kulot” de Guzman ang napatay.
“Parang this is calculated (to draw) outrage in order for the policemen would be blamed,” paliwanag ni Aguirre. “When police are blamed it would reflect on the President.”
Dahil dito, inulit ni Aguirre ang hinala ni Pangulong Duterte na ang nasabing mga pagpatay ay maaaring isa sa mga paraan upang masira ang kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ni Aguirre na ang ilang miyembro ng pulisya ay maaaring “in cahoots with destabilizers.”
Samantala, nilinaw ni Aguirre na binisita siya kahapon ni Albayalde upang talakayin ang posibilidad na magkaloob ng pulis na may “immediate legal component on the war on drugs.”
Sinabi rin ni Aguirre na nais ni Albayalde na magkaloob ang DoJ ng legal assistance sa mga pulis sa isang sitwasyon na kinakailangan ng payong legal.