Ni: Joseph Jubelag
GENERAL SANTOS CITY – Sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng isang alkalde sa Sarangani, at nakakumpiska ng isang kilo ng pinaniniwalaang shabu, na nagkakahalaga ng P5 milyon, bukod pa sa ilang baril at pampasabog.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Aaron Aquino, na personal na nanguna sa anti-drug operation, nakatakas sa pagdakip si Maasim Mayor Aniceto Lopez, Jr. nang salakayin ang bahay nito, na mayroon din umanong isang mini-shabu laboratory, sa Barangay Lumasal kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni Aquino na ang mga raiding team ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA, Philippine Army, at Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), at nakasamsam umano ang mga ito ng nasa isang kilo ng shabu, ilang tableta ng ecstasy, dalawang .45 caliber pistol, dalawang fragmentation grenade, dalawang rifle grenade, ilang cylinder tubes, hydro incinerator, at mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu.
Dinakip ng mga awtoridad ang apat na katao, kabilang ang barangay kagawad na si Jonathan Diamalon, na nahulihan ng dalawang .45 caliber pistol.
Ayon kay Aquino, ang alkalde ang lider ng El Patron drug group, isang lokal na big-time drug syndicate sa rehiyon.
Kinumpirma rin ni PDEA-Region 11 Director Cesario Gil Castro na kabilang ang mayor sa watch list ng mga high-value target sa rehiyon.
Dagdag pa ni Aquino, ang nasabing drug ring ay may kaugnayan sa isang lokal na narco-terror group na kaugnay naman ng drug network ng napatay na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog.
Sinabi pa ni Aquino na nakasamsam din ang raiding ng isang “bluebook” na nagdedetalye sa umano’y mga ilegal na transaksiyon ng sindikato sa ilang drug lord na nakapiit ngayon sa Bureau of Corrections.