MAYROONG maganda at hindi magandang balita tungkol sa ekonomiya noong nakaraang linggo.
Nagsara ang Philippine Stock Exchange Index (PSEI) nitong Lunes ng may record na 8,312.93, ang pinakamataas sa kasaysayan. Nangunguna sa stocks ang sektor ng serbisyo, pinansiyal, ari-arian, holding firms, at mga industriya.
Dalawang sektor lamang — ang pagmimina at petrolyo — ang hindi nakasabay sa pag-alagwa.
Nakapag-ulat din ng kaparehong paglobo ng stocks sa iba pang bansa sa Asia, sa pangunguna ng Nikkei 225 Index ng Tokyo, na dalawang taon nang masigla. Ganito rin ang kinahinatnan ng European stocks, at lahat ito ay umamot ng lakas sa Amerika, na ang pangunahing stock indices — ang Dow Jones, S&P 500, at Nasdaq — ay pawang nagsara sa pinakamataas.
Sinasalamin ng presyuhan sa stock market ang antas ng pagiging positibo at kumpiyansa sa ekonomiya, sa lokal man at pandaigdigan. Ang pagsipa ng stocks ng Amerika ay sinasabing epekto ng pagsigla ng industriya ng manufacturing sa Amerika, na nakapagtala ng pinakamataas na antas sa nakalipas na 13 taon. At dahil ang Japan at Amerika ang mga pangunahing katuwang sa kalakalan ng Pilipinas, ang kumpiyansa sa dalawang bansang ito ay tiyak na magpapasigla sa sarili nating ekonomiya.
Hindi naman positibo ang ulat na inilabas nitong Lunes ng World Bank na may titulong “East Asia and Pacific Cities:
Expanding Opportunities for the Urban Poor.” Sa kabila ng napakasiglang pag-alagwa ng ekonomiya ng Pilipinas, sinabi sa report na hindi ito nakatupad sa layuning maibsan ang kahirapan sa bansa.
Nakasaad sa report na karamihan sa 75 milyong mahihirap sa East Asia ay matatagpuan sa Pilipinas, China, at Indonesia. Mayroong tuluy-tuloy subalit napakabagal na kabawasan sa kahirapan sa Pilipinas — subalit nasa 1.6 na porsiyento (mula sa 27.9 hanggang 26.3 porsiyento) lamang ito simula 2012 hanggang 2015.
Sa Pilipinas ngayon, mayroong 1.5 milyong “informal settlers” — na palasak na tinatawag na squatters dahil nakatirik ang kanilang mga barung-barong sa mga lupain ng gobyerno o kaya naman ay pribado makaraan nilang angkinin ang mga ito. At 600,000 sa kanila — o 40 porsiyento — ay nasa Metro Manila, nakikipagsiksikan sa mga nanggigitata at miserableng komunidad. Dahil karaniwan nang matatagpuan sa mauunlad na lugar ang maraming trabaho, walang pagpipilian ang mga maralita sa bansa kundi ang dumagsa sa mga siyudad, kaya lumubha ang “urbanization of poverty.”
Matagal nang suliranin sa bansa ang kahirapan at ilang administrasyon na ang nagtangkang resolbahin ang problemang ito na may magkakaibang antas ng tagumpay. Nagsimula ang kasalukuyang administrasyong Duterte nang may nakalululang pag-asam ng pagbabago sa napakaraming aspeto ng ating buhay bilang isang bansa — kurapsiyon sa pamahalaan, kapayapaan at kaayusan, pambansang seguridad, at kaunlarang pang-ekonomiya.
Pursigido itong kumikilos para matugunan ang mga larangang ito, subalit dapat na himukin ng ulat ng World Bank ang ating gobyerno na pangunahing tutukan ang pagpapaunlad sa ekonomiya, sa pamamagitan ng mga programa at proyekto na direktang pakikinabangan at magkakaroon ng mabuting epekto sa buhay ng mahihirap.