Ni: Celo Lagmay

KUNG hindi na maibabalik ang P30 bilyong classrooms fund na kinaltas sa taunang pondo ng Department of Education (DepEd), naniniwala ako na malalagay sa alanganin ang pag-aaral ng ating mga kabataan. Kailangang matugunan ng gobyerno ang lumalaki nating pangangailangan sa mga silid-aralan, lalo na kung iisipin na umaabot sa isang milyong mag-aaral na pumapasok taun-taon sa mga paaralang pambayan o public schools; at hindi lamang mga schoolrooms ang ating dapat ipatayo kundi mga school building na paglalagyan ng iba’t ibang laboratoryo at iba pang experimental rooms.

Ang nabanggit na pondo, sa pahayag ng pamunuan ng DepEd, ay ilalaan sa free tuition fee program ng Duterte administration, bilang bahagi ng implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Sinasabing halos P40 bilyon ang kakailanganin sa naturang programa na laging ipinangangalandakan ng administrasyon.

Walang hindi natutuwa sa free tuition program ng gobyerno. Ito ang unang pagkakataon na makatitikim ng libreng matrikula ang ating mga mag-aaral sa state universities and colleges (SUCs) sa buong kapuluan; programa ito na matagal nang binalak ng nakalipas na mga pangasiwaan para sa kapakanan ng ating mga mag-aaral; ngayon lamang ito nagkaroon ng katuparan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa kabila ng katanggap-tanggap na mga biyayang pang-edukasyon na dulot ng nabanggit na programa, naniniwala ako na higit na dapat pag-ukulan ng sapat na pondo ang kakulangan sa mga silid-aralan, lalo na sa mga kanayunan. Maraming pagkakataon na ang mga elementary at high school students ay nagdadaos ng kanilang mga klase sa lilim ng mga punongkahoy.

Ito ang dahilan ng kusang-loob na pagsaklolo ng mga organisasyong pangsibiko, kabilang na ang Filipino-Chinese business groups, sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga class rooms, lalo na sa mga lugar na sinalanta ng mga kalamidad. Hindi ba ang pagtanggap ng ganitong pagmamagandang-loob ay isang insulto sa administrasyon? O, ito ay isang panggising sa administrasyon upang lutasin ang classroom backlog na laging nagpapabigat sa problema sa edukasyon.

Natitiyak ko na lalo pang lulubha ang naturang problema, lalo na ngayon na binabalak ng DepEd na tumanggap ng halos 50,000 guro para sa mga paaralang pambayan. Hindi iilang silid-aralan ang kakailanganin ng libu-libong mag-aaral na tuturuan ng nabanggit na bilang ng mga guro.

Hindi nakapanghihinayang na ibuhos sa school building project, kabilang na nga ang mga classrooms, ang malaking bahagi ng DepEd annual budget. Sa ganitong estratehiya, natitiyak ko na makatutulong ito – kabilang na ang pagtanggap ng kuwalipikadong mga guro – sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon na hinahangad nating lahat.