Ni: Ric Valmonte
SINAMPAHAN ng mga kaso sa Office of the President para patalsikin ang mga opisyal ng Ombudsman na nag-iimbestiga sa umano’y tagong yaman ni Pangulong Duterte. Ang unang reklamo ay inihain nina Atty. Manuelito Luna at Atty. Eligio Mallari laban kina Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang, Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman at sa bumubuo ng fact-finding investigation team. Ang ikalawang kaso ay isinampa naman ng mga dating mambabatas na sina Glenn Chiong at Jacinto Paras laban kay Carandang.
Sa kanilang reklamo, sinabi nina Luna at Paras na dine-destabilize ni Carandang ang administrasyong Duterte, nilalabag ang anti-graft law at pinapanigan nito si Sen. Antonio Trillanes na siyang nagdemanda sa Pangulo at sa pamilya nito na umano’y nagkamal ng bilyong pisong tagong yaman. Si Carandang, anila, ay nakagawa ng grave misconduct, gross dishonesty at gross negligence na sa kabuuan ay betrayal of public trust nang ihayag niya ang mga detalye ng umano’y bank account ng Pangulo. Tungkol naman kay Elman, sinabi nina Luna at Paras na nakipagsabwatan ito kay Carandang. Kung wala raw si Elman, hindi nagkaroon ng daan si Carandang sa mga bank records na ilegal na
iniingatan ng Field Investigation Unit. Ang fact-finding team ay dapat din umanong ma-dismiss dahil sa pagkakahawak nito ng mga bank record na isa nang krimen at ito ay gross misconduct.
“Ang Pangulo,” wika ni Senate Minority Leader Frank Drilon, “ay walang kapangyarihang imbestigahan ang Ombudsman.” Aniya, ito ay constitutional body na tulad din ng hudikatura ay co-equal branch ng ehekutibo na pinamumunuan ng Pangulo. Ang Ombudsman at ang Commission on Human Rights (CHR) ay nilikha ng taumbayan upang maging epektibo at makabuluhan ang nais nilang maging uri ng kanilang gobyerno: transparent at accountable. Sila ang nagsisilbing mata ng mamamayan sa mga pang-aabuso ng mga nagpapatakbo ng gobyerno. Kapag inimbestigahan mo ang Ombudsman, o tinanggalan ng budget support tulad ng nais gawin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa CHR, taumbayan ang kinakalaban mo.
Ang ginagawa ngayon ng Pangulo, sa pamamagitan ng kanyang mga kaalyado, na imbestigahan at papanagutin sa mga salang umano’y nagawa ng Ombudsman ay ginagamit nito ang kapangyarihan ng mamamayan na ipinagkaloob sa kanya laban sa ahensiya o institusyon na kanilang nilikha upang maiwasan ang pang-aabuso ng taong pinaglagakan nila ng kanilang kapangyarihan. Kaya, tama si Sen. Drilon. Walang kapangyarihan ang Pangulo na imbestigahan ang Ombudsman. “A spring cannot rise above its source,” ika nga.
Tama rin naman si Ombudsman Conchita Morales. Kung walang itinatago ang Pangulo, ano ang kanyang ikinatatakot? “Ang walang kasalanan,” sabi naman ni dating Sen. Miriam Defensor Santiago, “ay matapang tulad ng isang leon.” Ang problema nga ay hindi leon si Pangulong Digong. Ayaw na nga niyang paimbestiga, inililigaw pa niya ang isyu na pati ang mga demokratikong institusyon ay kanyang isinasakripisyo.