Ni Charina Clarisse L. Echaluce

Dapat na maging responsable kapag depresyon ang pinag-uusapan.

Ito ang panawagan kahapon ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial isang araw makaraang ismolin ng TV-host at komedyanteng si Joey De Leon ang sakit na depression sa live television.

Sinabi ni De Leon nitong Huwebes na “gawa-gawa lang ng mga tao” ang depresyon, at hindi dapat na suportahan ang mga nakararanas nito.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“’Yung depression, gawa-gawa lang ng mga tao ‘yan, gawa-gawa lang sa sarili nila.... Hindi, hindi, ‘wag n’yong suportahan, gawa-gawa lang niya ‘yon.... Nagpapasosyal lang. Kapag mayaman, depression. Kapag mahirap, wala, wala ka nang pag-asa sa buhay mo,” sabi ni De Leon.

Gayunman, nilinaw ni Ubial na isang sakit ang depresyon at may scientific basis ito.

“Well, sa atin sa medical profession, there is a scientific basis to diagnosis of depression. We use that, actually, to help people,” anang kalihim.

Aniya, dapat na kaagad na bigyan ng karampatang atensiyon ang mga taong umaamin na depressed o malungkot sila, sinabing ang “first aid” sa depression ay ang pagkausap sa taong dumadanas nito.

“‘Wag po natin isasawalang-bahala. Kapag mayroon po tayong kasamahan sa trabaho and sa bahay na nagsasabing ‘ay depressed ako’, ‘ay parang nalulungkot ako kasi feeling ko mag-isa lang ako,’ ‘wag po natin isawalang-bahala,” sabi ni Ubial. “The first aid for that is talking to them. Ang first aid, papansinin natin, bigyan natin ng importansiya iyong taong nag-e-express na mayroon siyang depression.”

Batay sa datos ng World Health Organization (WHO), ibinunyag nitong ang kawalan ng suporta sa mga taong may sakit sa pag-iisip, na sasabayan pa ng pangamba sa stigma, ay nakapipigil upang malunasan ang sakit at maging normal ang pamumuhay ng mga pasyente.

Sinabi naman ng kalihim na bagamat karapatan ni De Leon ang magpahayag ng sariling opinyon, mahalaga, aniya, na maging responsable rin ito sa mga sinasabi upang maiwasang makaimpluwensiya sa iba.

Humingi na ng paumanhin kahapon si De Leon sa publiko kaugnay ng kanyang naging komento.

Pinayuhan ni Ubial ang mga dumadanas ng depression na tumawag sa 804-HOPE (804-4673) o mag-text sa 0917-558-HOPE (0917-558-4673).

Ayon sa WHO, mahigit 300 milyon katao ang dumadanas ngayon ng depression, tumaas ng mahigit 18 porsiyento sa pagitan ng 2005 at 2015.