Ni: Mary Ann Santiago

Dahil sa nag-overheat na air conditioning (aircon) unit, nilamon ng apoy ang ika-31 palapag ng isang condominium building, na sinasabing pagmamay-ari ng mag-asawang Senador Cynthia at dating Senador Manny Villar, sa Barangay San Antonio, Pasig City, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ng Pasig Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimulang sumiklab ang apoy sa Unit 31-I, na pagma-may-ari ng isang Dra. Lara Rejora, na matatagpuan 31st floor ng Currency Tower sa Julia Vargas Avenue corner Emerald Road sa Ortigas Center, sa Bgy. San Antonio, dakong 4:30 ng madaling araw.

Ayon kay Pasig Fire Marshal Supt. Arthur Marcos, nag-overheat ang aircon sa unit ng doktora na naging sanhi ng sunog.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Nagising umano si Rejora nang makaamoy ng usok at nakitang nagliliyab ang aircon sa kanyang unit.

Sinasabing hindi gumana ang fire alarm at water sprinkler ng gusali, at wala ring nakuhang fire extinguisher kaya mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa ikaapat na alarma bago ideneklarang under control bandang 5:50 ng umaga at tuluyang naapula ganap na 6:15 ng umaga.

“Ayon po kasi sa pahayag ni Dra. Rejora, bukod sa hindi gumana ang water sprinkler sa kanyang condo unit at wala pa siyang makitang fire extinguisher sa hallway ng kanyang unit para mapatay niya ang apoy, ngunit wala siyang makita at humingi rin siya ng tulong sa mga staff ng condo pero wala rin silang masabi kung bakit walang extinguisher,” ani Marcos.

Walang iniulat na nasaktan sa insidente habang inaalam ang kabuuang halaga ng natupok na ari-arian.