NI: Bella Gamotea
Upang mapagaan ang inaasahang mas matinding trapiko ngayong Christmas season, ipatutupad na ang bagong mall operating hours sa Metro Manila simula sa Oktubre 15 hanggang sa Enero 15, 2018, sinabi kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay kasunod ng pagsang-ayon ng mall owners at operators sa kahilingan ng MMDA na magbukas sila ng kani-kanilang establisimyento sa ganap na 11:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi.
Bukod dito, napagkasunduan din ang delivery time ng mga produkto sa mga mall sa ganap na 11:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga, na layuning mabawasan ang bilang ng mga truck na dumaraan sa mga pangunahing kalsada tuwing rush hour.
Simula Nobyembre, lilimitahan din ang weekend sale sa mga mall.