Ni NITZ MIRALLES
SA presscon bukas ng Seven Sundays, tiyak na matatanong si Aga Muhlach sa kanyang sinabi sa isang interview na gusto niyang muling gumawa ng pelikula kasama si Lea Salonga.
Bitin na bitin ang fans ng dalawa sa Sana Maulit Muli at Bakit Labis Kitang Mahal na una nilang ginawa noong binata’t dalaga pa sila.
Sa sinabi ni Aga na “I would like to, and the public would also, do a film with Lea. Pero ilang years na naming pinaplano ‘yan, pero hindi natutuloy” marami ang nagkaroon ng pag-asa na tutuparin ng Star Cinema ang matagal na nilang hiling na muling pagsamahin ang dalawa sa pelikula.
Kahit nauna na ang “Not happening this year” na pahayag ni Lea tungkol sa reunion movie nila ni Aga, tuloy ang request ng kanilang fans na muli silang pagsamahin.
Positive ang fans na mangyayari rin ang reunion movie nina Aga at Lea lalo’t nagbabalik-pelikula si Aga sa Seven Sundaysng Star Cinema na showing na sa October 11. Marami na ang excited na mapanood ang pelikula sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molinadahil first time nagsama-sama sina Aga,Enrique Gil at Dingdong Dantes na magkakapatid ang roles.
Isama pa si Cristine Reyes na kapatid din ng tatlo at si Ronaldo Valdez na gaganap bilang kanilang ama. Nabasa rin namin sa credits ng pelikula ang mga pangalan nina Donita Rose,Ketchup Eusebio, Jeffrey Tam at Kean Cipriano.
(Editor’s note: Matatandaan na committed na ang Star Cinema kina Aga at Lea na gagawin talaga ang reunion movie nila, pero laging hindi nagma-match ang schedule ng mga bida.)