Ni: PNA
MAHIGPIT na sinusubaybayan ng environment authorities sa Palawan ang ilegal na pangongolekta at bentahan ng multicellular parazoan organism, o mga natural sea sponge, na importanteng pinagkukunan ng nutrisyon sa marine ecosystem.
Bagamat wala pang pag-aaral na nagkukumpirmang delikado nang maubos ang mga naturang organismo, inihayag ni Jovic Fabello, tagapagsalita ng environment policy coordinating body na Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), na ang pangongolekta at bentahan nito ay dapat na tutukan upang maiwasan ang kahit na anong pinsala sa aquatic ecosystems, kung saan malaki ang papel na kanilang ginagampanan.
“They have marine ecological functions… they are also food to some marine animals like fish and sea turtles so, there is really a need to strictly monitor their collection and trading, especially when those who trade them have no permits,” ani Fabello.
Idinagdag pa niya na ang mga sponge ay malaking bahagi ng mga coral reef at komunidad sa malalim na bahagi ng dagat.
Dahil ikinokonsidera ang mga coral reef bilang tropical forests sa dagat na tirahan ng mga namumuhay sa karagatan, bahagi ang sponge ng bahura kaya may halaga ang mga ito.
Kapag natuyo, ginagawang esponghang pampaligo ang mga ito, aty sangkap din sa cosmetics, at sa mga produkto para sa feminine hygiene.
Ito ang naging pahayag ni Fabello kasunod ng pagkakaresto sa isang Rizalina de Juan noong Setyembre 27, na nahuling nag-iingat ng walong sako ng sea sponges, na iniulat na hinango niya mula sa karagatan sa bayan ng Bataraza sa katimugang Palawan.
“We’ve already warned them before that getting them would be illegal without wildlife permits, collection permits, and transportation, but they did not heed,” lahad ni Fabello.
Inaresto si De Juan, aniya, ng awtoridad ng PCSDS kasama ang Irawan Police sa RORO Bus Terminal sa Barangay San Jose, kung saan nakatakda niya umanong dalhin ang sea sponges sa bayan ng Roxas sa hilagang Palawan.
“When we asked her, she said she has a buyer from a mall in Puerto Princesa,” aniya.
Nahaharap si De Juan sa kasong paglabag sa Republic Act 9147, kilala rin bilang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.