Ni: Johnny Dayang

NILAGDAAN ni Pangulong Duterte noong Agosto 29 ang Republic Act 10951, ang batas tungkol sa “fake news” o pekeng balita, na bumago sa halaga ng pinsala na itinalaga ng Article 154 ng Revised Penal Code para sa “unlawful use of means of publication and unlawful utterances.”

Itinatalaga ng RA 10951 ang kaparusahang aresto mayor at multang hanggang P200,000 sa sinumang naglathala ng pekeng balita na nakasisira ng kaayusan o nakakapinsala sa estado.

May ilang sadyang mahalagang probisyon ang RA 10951. Saklaw nito ang paggamit ng “fake news, word utterances or speeches” na nagbubuyo na huwag igalang ang batas at mga awtoridad; o kaya purihin ang mga gawaing laban sa batas.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Isinasaad din nito na ang sinumang naglathala o naging instrumento para malathala ng may intensiyong malisya ang resolusyon o dokumento ng walang pahintulot ng kinauukulan, o bago ito opisyal na nalathala, ay pagmumultahin, gaya ng sinumang “anonymous” na nag-imprenta, naglathala at nagpakalat ng mga aklat, “pamphlets, periodicals o leaflets” ng walang pahintulot ng tunay na may akda.

Gayunman, may ilang “butas” ang RA 10951 na maaaring maging patibong para sa mga taga-media na magpapakalat ng mga artikulo o impormasyon mula sa lehitimong “sources” ngunit pekeng balita pala. Dahil dito, ang kawalang ng pagkakakilanlan ng sumulat o naglathala ay nagkaroon ng bagong dimensiyon sa ilalim ng bagong batas.

Ano nga ba ang pekeng balita? May kalabuan ang konsepto bagamat ang karaniwang pang-unawa rito ay balita itong may bahid ng katotohanan ngunit hindi kumpleto. Kasama rito ang mga pangungutya na maaaring may bahid ng katotohanan ngunit hindi kumpleto ang impormasyon. Layunin ng “figure of speech” na “satire” na karaniwang ginagamit ang mangutya at makatawag pansin, o kaya magpahayag ng isang mensaheng nakatatawa at sadyang nakakahalina.

Dahil sa kakulangan ng “resources” nanganganib na malagay sa alanganin ang mga provincial newspapers na madaling maakit sa magagandang buletin at pahayag na maaaring pekeng balita pala. Marami sa naturang mga pahayagan ang umaasa lamang sa mga libreng sources ng balita na nakapupukaw ng pansin. Kailangang magbago sila ng sistema para makaiwas sa patibong ng fake news. Dapat din nilang i-double check ang mga press release kung makatotohanan nga ang mga ito.

Pati mga lehitimong tagapag-balita ay dapat ding mag-ingat sa fake news. Kailangan nilang talasan ang kanilang pagtutok sa mga balita upang maiwasan ang libel at dulot nitong perhuwisyo. At higit na dapat na mag-ingat at magkaroon ng disiplina ang mahihilig sa social media.