Ni: Ali G. Macabalang

COTABATO CITY – Nakaranas ang buong North Cotabato at ilang parte ng Gitnang Mindanao ng anim na oras na brownout nitong Martes matapos pasabugin ng mga hindi nakilalang armado ang Tower 106 ng Kibawe-Sultan Kudarat at Kibawe-Tacurong 138-kiloVolt line sa bayan ng Carmen.

Bilang nawalan ng kuryente sa lugar bandang 11:30 ng gabi nitong Martes, makaraang gumuho ang power tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Purok 1, Barangay Manarapan sa Carmen, matapos itong bombahin, iniulat ng NGCP.

Ayon sa North Cotabato Police Provincial Office at 6th Infantry Division ng Philippine Army, gumamit ng improvised explosive devices (IED) ang mga armado sa pagpapasabog sa electric tower.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Nanumbalik ang kuryente sa mga apektadong lugar, anim na oras matapos ang pag-atake, makaraang gumamit ang NGCP ng mga alternatibong linya, ayon sa pulisya at militar.

Ayon sa inilabas na pahayag ng NGCP, ipinadala na sa iba’t ibang lugar ang mga lineman ng kumpanya upang maisaayos muli ang nawasak na tower, na isa sa 11 kaparehong installation na pinasabog simula noong huling bahagi ng 2016.

Isinisi sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at sa New People’s Army ang mga nakaraang pag-atake sa mga tore ng kuryente sa North Cotabato at Maguindanao.