Ni: Juan Carlo de Vela
Sorpresang sinalakay ng mga awtoridad ang Cebu Provincial Rehabilitation and Detention Center (CPDRC), at nakakumpiska roon ng ilegal na droga, drug paraphernalia, electric gadgets, patalim, at iniresetang gamot.
Aabot sa 3,000 bilanggo ang inutusang manatili sa quadrangle at maghubad mula sa beywang pataas habang iniinspeksiyon ang kanilang mga selda.
Matapos tatlong oras na inspeksyunin ang mga selda, nakumpiska ng mga operatiba mula sa Cebu Provincial Police Office at Special Weapons and Tactics (SWAT) ang ilegal na drogang nagkakahalaga ng P71,890, limang tableta na hinihinalang Valium, at P2,450 cash na pinaniniwalaang mula sa ilegal na sugal.
Sinalakay ang mga selda mula sa 25 at 26 pati ang 97 hanggang 119, kabilang ang tinitigilan ng kilabot na drug lord na si Alvaro “Barok” Alvaro.
Sinamsam ng pulisya ang nakitang portable DVD player mula sa selda ni Alvaro, ngunit walang natagpuang droga sa kanya.