Ni REGGEE BONOAN
NAGSIMULA nang isa-isahing imbestigahan ni SPO1 Leandro Colmenares (Michael Rivero) ang lahat ng mga taong dumalo sa birthday party ni Victor Buenavidez (Albert Martinez) sa bahay nila at sa bahay ng isa pang pamilya nito kaya may #TGSInterrogation ang episode title ng The Good Son nitong Miyerkules.
Hindi nagustuhan ng legal na pamilya ni Victor na ini-interrogate sila dahil wala silang alam at imposibleng gawin nila patayin nila ang kanilang padre de pamilya kaya laging itinuturo ang kabit na si Racquel (Mylene Dizon) o ang mga anak nitong sina Joseph (Joshua Garcia) at Obet (McCoy de Leon) at amang si Matias (Ronnie Lazaro).
Kahit gabing-gabi nang umeere ang The Good Son ay inaabangan rin pa ito at advantage rin ito sa mga nanggaling sa trabaho dahil naaabutan nila at pinapanood dahil curious kung sino ang pumatay kay Victor.
Nakakatawa ang running joke na kapag hindi raw ipinapakita si Albert sa TGS o wala siyang eksena ay nasa taping ito ng La Luna Sangre bilang si Prof T na pinuno ng Moonchasers.
Oo nga, akalain mo, magkasunod ang teleserye ni Albert na parehong mataas ang ratings, tulad nitong Martes na nakapagtala ng 36.2% vs 14.8% ang Alyas Robin Hood.
Samantalang ang The Good Son naman ay nakapagtala ng nationwide ratings na 19.5% vs.12.2% ng My Korean Jagiya at sa Metro ay 26.2% vs 13%.
Inaabangan sa TGS ang relasyon ng half-brothers na sina Enzo (Jerome Ponce) at Joseph (Joshua) na lumiliit na ang mundo sa iisang eskuwelahang pinapasukan.
Halos sambahin ng lahat si Enzo dahil nga ang pamilya niya ang may pinakamalaking shares sa eskuwelahan, matalino at magaling pang maglaro ng basketball.
Pero naiirita at galit na galit si Enzo na may humahamon na sa kanya, dahil halos lahat ng katangiang taglay niya ay taglay din ang half-brother niya na dagdag points pang mabait.
Sa #TGSInterrogation episode, marami ang kumulo ang dugo sa reaksiyon ni Enzo nang makapasok sa basketball team nila si Joseph na mahusay ding maglaro tulad niya. Effective na kontrabida si Jerome, nakatulong siguro ang mga hugot niya sa personal na buhay.
Pinagtatakhan naman ng viewers kung saan nanggagaling ang galit ni Dado (Jeric Raval) sa mag-ina niyang sina Emma (Kathleen Hermosa) at Hazel (Loisa Andalio) tuwing uuwi siya ng bahay.
Nakaabang ang lahat sa resulta ng sinabi ni SPO1 Colmenares na tapos na ang imbestigasyon niya at alam na niya kung sino ang pumatay kay Victor.
Ang TGS ay mula sa Dreamscape Entertainment.