Ni: Argyll Cyrus Geducos at Beth Camia

Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order (EO) No. 43, na magtatatag sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) upang imbestigahan ang mga presidential appointee sa lahat ng sangay ng gobyerno.

Ito ang resulta ng talumpati ni Duterte noong Agosto nang isiwalat niya ang plano niyang bumuo ng komisyon na mamamahala sa mga reklamo hinggil sa kurapsiyon sa gobyerno.

Sa EO, ang PACC ay nakapailalim sa Office of the President upang direktang alalayan ang Pangulo sa pag-iimbestiga at pagdinig sa mga kasong administratibo, na kinapapalooban ng graft and corruption, laban sa lahat ng presidential appointees.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa kanyang EO, sinabi ni Duterte na kinakailangang bumuo ng hiwalay na komisyon na nakatuon sa pag-alalay sa Pangulo maging sa pagsasagawa ng lifestyle check at fact-finding inquiries sa presidential appointees at sa iba pang public officer na umano’y sangkot sa graft and corrupt practices.

Pagtutunan din ng PACC ang mga opisyal na nasangkot sa mga krimen o paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

HURISDIKSIYON

Base sa EO, may kapangyarihan ang PACC, gaya ng Office of the Ombudsman, na makinig, mag-imbestiga, tumanggap, mangalap, at magsala ng ebidensiya, intelligence reports, at impormasyon sa kasong administratibo laban sa presidential appointees sa Executive Branch.

Base sa kautusan ng Pangulo, maaaring imbestigahan ng PACC ang presidential appointees sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP) kung kinakailangan.

Gayunman, ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, walang kapangyarihan ang PACC sa Office of the Ombudsman, sa Korte Suprema, o sa iba pang Constitutional bodies.

WALANG LUSOT

Pinapayagan ang PACC na gumawa ng lahat ng paraan upang mas mabilis na malaman ang katotohanan sa bawat kaso o reklamo.

Hindi ititigil ang imbestigasyon ng PACC sa pagbibitiw at pagreretiro ng public officer.

Upang magampanan ang responsibilidad, maaaring humingi ng tulong ang PACC sa kahit anong law enforcement agency, o sa kahit anong government instrumentalities.

Maaari rin nitong kunin ang serbisyo ng mga kuwalipikadong consultant o deputies mula sa pribado at pampublikong sektor.

PUWERSA

‘Di gaya ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang PACC ni Duterte ay bubuuin ng isang chairman at apat na komisyuner na itatalaga ng Pangulo.

Karamihan sa mga miyembro ay abogado at kinakailangang nagpa-practice ng law sa bansa ng hindi bababa sa limang taon.