SA unang pagkakataon simula noong Mayo 23, ang araw na sinalakay ng Maute Group ang Marawi City, isang misa ang idinaos sa St. Mary’s Cathedral nitong Linggo, Oktubre 1, at nasa 300 sundalo ang pansamantalang namahinga sa bakbakan upang dumalo sa seremonya.
Tadtad ng tama ng bala ang mga pader. Wala na ang bubong sa tapat ng altar. Sa mga unang araw ng labanan, nag-post ang Maute Group ng mga video na nagpapakita ng pagwasak nila sa mga relihiyosong istatwa at sa pagsira sa mismong simbahan. Ang katedral, kasama ng mga mosque sa lugar, ay kinubkob ng mga terorista at ginawang tanggulan laban sa tropa ng gobyerno.
Sa nasabing katedral tinangay ng mga terorista at ginawang bihag si Fr. Teresito Soganub kasama ang ilan pang tao.
Ang St. Mary’s ang simbahan ng mga Katoliko na bumubuo sa isang porsiyento ng nasa 160,000 populasyon ng Marawi.
Tinanggap ito bilang bahagi ng komunidad bagamat walang makikitang krus sa labas nito. “People didn’t want a large symbol,” sabi ni Father Soganub.
Ang mga Maranao sa Marawi City ang isa sa tatlong pangunahing grupong Muslim sa Mindanao, ang dalawa pa ay ang Maguindanao at Tausug. Kilala ang Marawi bilang sentrong ispiritwal ng mga Maranao, na ang mga panuntunan ng Muslim sa moralidad ay bahagi ng mga patakaran sa siyudad. Subalit tinanggap din ng mamamayan ng Marawi ang simbahang Kristiyano sa lungsod, sa pangunguna ni Father Soganub.
Nabawi ang St. Mary’s Cathedral mula sa Maute noong huling bahagi ng Agosto, gayundin ang dalawa pang institusyong Islam, ang Grand Mosque at ang Islamic Center. Gaya ng katedral, nilapastangan din ng mga terorista ang mga mosque, ayon sa Joint Task Force Marawi. Subalit matindi ang pagkawasak ng katedral kaya kinailangan pang isaayos ng mga sundalo ang ilang istruktura nito at maingat na alisin ang mga hindi sumabog na bomba na itinanim doon ng mga terorista para sa kapahamakan ng tropa ng gobyerno.
Kahit pa nagdaos na ng misa sa katedral nitong Linggo, maririnig pa rin ang mga putok ng baril at sunud-sunod na pagsabog sa mga kalapit na lugar. Inasahang tuluyan nang maitataboy ang mga teroristang Maute sa pagtatapos ng nakalipas na buwan, subalit nagpapatuloy pa rin ang bakbakan hanggang ngayon. Pinili ng sandatahang lakas na kumilos nang buong ingat upang maiwasang lumala ang mga pagkawasak at madagdagan pa ang bilang ng mga nasasawi sa hanay ng tropa ng gobyerno at ng mga bihag.
Nasa 136 na araw na tayong matiyagang naghihintay simula nang sumiklab ang bakbakan noong Mayo 23 at paunti-unti, sa paisa-isang kalye at gusali, ay nababawi ang Marawi. Ang selebrasyon sa St. Mary’s ang pinakamahalagang pangyayari sa nakapanlulumong kuwento ng krisis sa Marawi. Makapaghihintay pa tayo ng ilan pang araw, kahit linggo, basta buhay ang katiyakan na malapit nang matuldukan ang bangungot na ito.