Ni ELLALYN DE VERA-RUIZ

Pito sa bawat 10 Pilipino ang nagpahayag ng takot na mabiktima rin sila ng extrajudicial killings (EJK), batay sa resulta kahapon ng Social Weather Stations (SWS) special report tungkol sa drug war ng gobyerno.

Sa nationwide survey sa 1,200 respondent noong Hunyo 23-26, 73 porsiyento (41% ang “very worried”, 32% ang “somewhat worried”) ang nababahala na sila na, o isang kakilala nila, ang susunod na mabiktima ng extrajudicial killing.

Samantala, 13% naman ang nagsabing sila ay “not too worried”, at 14% ang “not worried at all”.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Lahat ng Pinoy sa buong bansa ay nagpahayag ng takot na mabiktima rin sila ng EJK, na ang pinakamarami ay naitala sa Visayas sa 77% (48% ang very worried, 29% ang somewhat worried), kasunod ang Mindanao sa 75% (46% very worried, 29% somewhat worried), Metro Manila na may 73% (34% very worried, 40% somewhat worried), at ang iba pang lugar sa Luzon sa 70% (37% very worried, 33% somewhat worried).

Sa kaparehong survey period, natuklasan ng SWS na 90% ng populasyon ang naniniwala na mahalagang maaresto nang buhay ang mga drug suspect (68% “very important”, 22% “somewhat important”), na pinakamalaki ang naitala sa Metro Manila sa 95% (77% very important, 18% somewhat important).

Nilinaw naman ng SWS na ang serye ng survey nito tungkol sa drug war ng gobyerno at sa extrajudicial killings ay hindi kinomisyon at sa sariling inisyatibo ng SWS bilang serbisyo publiko.