Ni: Erik Espina

SA henerasyon ng “hugot lines” at matalinong kabataan, marahil hindi nila kilala ang nasa titulo ng aking kolum. Si Dominador “Domeng” Aytona ay ipinanganak sa Liboon, Albay noong 1918. Bilang estudyante, nagsumikap makapagtapos sa pamamagitan ng sariling pawis. Nagtapos mula grade school pataas na mayroong “high honors”.

Nang makapag-asawa si Domeng, siya ay nagtrabaho sa General Auditing Office habang kumukuha ng kurso sa University of Manila sa gabi. Doon, nakamit niya ang tatlong titulo: Bachelor of Science in Business Administration (1947), Summa Cum Laude; Bachelor of Laws (1949), Magna Cum Laude; at Master of Laws (1951), Cum Laude. At nang kumuha ng pagsusulit pagka-abogado noong 1950, siya ay naging “topnotcher” sa pagiging pangalawa sa may pinakamataas na grado, 94.55%. Naging certified public accountant (CPA) at lawyer ang anak ng Bicol.

Sa edad na 36, pinili ni President Ramon Magsaysay bilang Commissioner of Budget. Noong 1960, iniluklok siya ni President Carlos Garcia bilang Secretary of Finance at Chairman ng Monetary Board ng noo’y Central Bank.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa pagpasok ng Pamahalaang Diosdado Macapagal noong 1961, pinagtatanggal nito ang mga itinuro ni Garcia. Nagsampa ng kaso si Aytona kontra sa Administrative Order No. 2 ni Macapagal at dito lumabas ang tanyag na desisyon ng Korte Suprema sa “Aytona vs. Castillo” (GR No. 19313) tungkol sa pagbabawal sa tinaguriang “Midnight Appointments”.

Noong 7th Congress, bilang senador, siya ay naging chairman ng Finance Committee na may punong gampanin na ilahad, suriin at ipasa ang Pambansang Gugulin. Dahil sa angking talino at malawak na karanasan, madaling nauunawaan at aprubahan ng Senado ang panukala para sa General Appropriations Act. Mas makapal ang aklat ng budget noon dahil walang “lump sum”, “pork barrel”, “discretionary at intelligence fund” sa bawat tanggapan. Ibig sabihin, kada empleyado mula ulo hanggang janitor, pati projects na gastusin, nakasulat at lahad sa batas.

Nitong nakaraang linggo, iniwan na ni Senador Aytona ang mundong ibabaw. Humayo siya sa talatag luklukan ng naging pinakamatalino at pinakamagaling na lupon ng Senado sa kasaysayan ng Pilipinas – ang 7th Congress: 8 ang naging topnotcher, halos 16 na abogado, at ang iba, ay kasapi ng makulay na kasaysayan ng republika. Paalam po, Sen. Aytona.