Ni: Orly L. Barcala
Dahil umano sa pera, nagbigti ang isang company driver sa loob ng pinapasukang establisyemento sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Nakabigti at wala nang buhay nang madiskubre ang bangkay ni Bernardo Yala, 41, stay-in driver sa ABC Furniture na matatagpuan sa No. 264 Villa Encarnacion Street, Barangay Viente Reales ng nasabing lungsod, dakong 3:15 ng madaling araw.
Sa report nina SPO3 Ray Bragado at PO3 Roberto T. Medrano, ng Station Investigation Unit (SIU), nagpaalam umano ang biktima sa kanyang kasama na pupunta lang sa banyo.
Mahigit 30 minuto na ang lumipas ay hindi pa rin bumabalik si Yala, kaya pinuntahan na ito ng kanyang kasama hanggang sa bumulaga ang kanyang bangkay.
Nakita sa cell phone ng biktima ang text message na, “Cel, mga anak, paalam.”
Ayon kay Bragado, problemado sa pera si Yala at panay ang bale sa opisina upang mayroong maipadala sa kanyang asawa at sa kanilang mga anak na nasa Quezon.