Ni: Aris Ilagan

AND’YAN ka na naman…tinutukso-tukso ang aking puso.

Ilang ulit na bang…

Iniiwasan ka ‘di na natuto!

Night Owl

Kailangan mong bumoto

‘Di ko na natiis na kantahin ito’ng awitin ni Gary Valenciano habang ako’y nagmamaneho sa gitna ng matinding trapik sa C-5 Road.

Akalain n’yo ba na isa na namang Kongresista ang humihirit ng bagong suhestiyon upang maibsan umano ang lumalalang trapik sa Metro Manila.

Mga katoto, salubungin natin ng masigabong palakpakan si Rep. Edgar Sarmiento ng Unang Distrito ng Samar. Yehey!

Ito ang tinatawag nating reverse psychology. Imbes na sirain mo ang umaga dahil sa walang kalatuy-latuy na suhestiyon, idinadaan mo na lang sa pagkanta o pag-iisip ng mga positibong bagay.

Sa panukala ni Sarmiento, vice chairman ng House Committee of Transportation, nais niyang gawing one-way northbound route ang kahabaan ng EDSA at ng Roxas Boulevard, habang ang C-5 ay one-way din, southbound.

Batid nating lahat na ang nasabing tatlong pangunahing lansangan ay dinaraanan ng libu-libong sasakyan araw-araw. Sa Ingles, ang mga ito’y tinatawag na “major thoroughfare.”

At dahil umaabot sa bilyung piso ang ikinalulugi ng mga mamamayan sa matinding trapik sa Metro Manila at iba pang lugar, naniniwala si Sarmiento na marahil ang kanyang panukalang ‘one-way’ scheme ang solusyon.

Pinag-aralan kaya ni Congressman Sarmiento ang kanyang panukala?

Saan kaya niya napulot ito? Hindi kaya sa video game? Sa PlayStation? O sa supot ng pandesal?

Nagmamaneho rin kaya ang kongresista? O mayroong driver?

Natatandaan ko na ang Makati City ang unang lungsod na nagpatupad ng malawakang “one-way” traffic scheme noong unang bahagi ng termino ni Jejomar ‘Jojo’ Binay.

Marami ang pumalag subalit kinalaunan, naayos din ang trapik sa tinaguriang ‘Financial Capital of the Philippines.’

Sa obserbasyon ng marami, matagumpay na naipatupad ni Mayor Binay ang one-way traffic scheme dahil kontrolado niya ang buong lugar bilang alkalde.

Ngayon, kung ating iisipin, saan magpupuntahan ang mga sasakyang nais bumuwelta ng direksiyon sakaling ipinatutupad na ang one-way traffic policy sa EDSA?

‘Di ba’t magsisipuntahan ‘yan sa maliliit na lansangan na nakapaligid sa EDSA at marahil, d’yan na magsisimula ang pagkakabuhul-buhol ng trapik.

At hanggang hindi nalilinis ng mga barangay official ang mga nakahambalang na sasakyan, tindahan, basketball court, lamayan at karinderya na kanila ring pag-aari, malabong maging matagumpay ang panukala ni Sarmiento.

Congressman Sarmiento, hinay-hinay lang.

Ang unahin niyo ay disiplinahin ang mga pasaway na barangay official bago natin ipatupad ang inyong ambisyosong suhestiyon.

Relax lang, sir!