Ni: Bert de Guzman

BATAY sa survey results ng Social Weather Stations, 74% o 7 sa 10, ay sang-ayon na ang mga personalidad na nasa “narco list” ni President Rodrigo Roa (PRRD) ay dapat na tukuyin, usigin at ipakulong. Sa SWS survey noong Hunyo, 2017 na inilabas ngayong buwan, 46% ang matindi ang pagsang-ayon na dapat isapubliko ng Pangulo ang listahan ng “drug personalities” at kasuhan sila sa mga hukuman.

Sa nationwide survey noong Hunyo 23-26, 2017, tinanong ang 1,200 adults mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. Naniniwala silang dapat ihayag ni Mano Digong ang mga pangalan na nasa “narco list” upang malaman ng taumbayan kung sino ang mga walanghiyang pulitiko, pulis, kawal at pinunong-bayan na sangkot sa ilegal na droga habang pinapatay ang mga kabataan, nakatatanda at iba pa gayong hindi naman sangkot sa masamang bisyo. Dapat daw ay sila ang itumba.

Samantala, tatlo sa limang Pilipino ang naniniwala na tanging ang mahihirap na tao, nakatsinelas at walang saplot ang mga paa, ang pinapatay ng mga tauhan ni Gen. Bato kaugnay ng anti-illegal drug campaign ng Duterte administration. Sa survey, marami rin ang hindi naniniwala na NANLABAN ang mga pinaghihinalaang pusher at user kaya sila binaril at napatay ng mga pulis. Lumitaw na 48% ang naniniwala na hindi nagsasabi nang totoo ang mga pulis. Na malalakas ang kanilang loob dahil sa assurance noon ni Mano Digong na sagot niya ang mga pulis.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Inihayag ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na lumapit at humingi ng proteksiyon sa Simbahang Katoliko ang mga pulis na nais magbunyag ng kanilang nalalaman at partisipasyon sa tinatawag na extrajudicial killings (EJKs).

Sa kanyang statement na may pamagat na “To be angels of Compassion”, sinabi ni Villegas na binabagabag na ng kanilang budhi ang mga pulis kaya lumapit sa Simbahan upang ilahad ang kanilang nalalaman at papel sa mga pagpatay sa pinaghihinalaang pushers at users. Samakatuwid, ang itinumba ng mga bata ni Gen Bato ay hindi naman pala tulak at adik o kaya’y NANLABAN.

Ganito ang pahayag ni Soc Villegas: “They have come forward confidentially to us their spiritual leaders to seek sanctuary, succor and protection. They have expressed their desire to come out in the open about their participation in the extrajudicial killings and summary executions. Their conscience are troubling them.” Isipin natin na pinapatay nila ang mga inosenteng tao o kung drug pushers man at users, ay binabaril pa rin kahit hindi NANLABAN at wala namang malakas na armas na itatapat sa high-powered firearms ng mga operatiba ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel.

Para patunayan sa 102 milyong Pinoy kung sino ang mas corrupt sa kanila, naghamon uli si PDU30 kina SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio-Morales, na buksan sa publiko ang kanilang bank accounts. Iginiit niyang ang pera niya sa bangko ay P40 milyon lang, at dito ay kasama na ang namanang pera mula sa kanyang ama na si ex-Davao Gov. Vicente Duterte.

Inaabangan ng mga Pinoy kung saan hahantong ang ganitong paghahamon, kabilang ang hamong silang tatlo ay magbitiw sa puwesto, upang matahimik ang Pilipinas na patuloy na naghihirap at nagdurusa! Hindi kaya JOKE na naman ito?