Ni REGGEE BONOAN
NAKA-POST na sa social media ang official trailer ng pelikulang Seven Sundays na idinirihe ni Cathy Garcia-Molina produced ng Star Cinema at nakaramdam kami ng lungkot habang pinapanood namin dahil naalala namin bigla ang nanay naming 14 years nang hindi namin kapiling.
u’ng lumabas ang balitang magsasama-sama sa pelikula sina Aga Muhlach, Cristine Reyes, Enrique Gil at Dingdong Dantes nagkatanungan kami ng mga katoto kung anong kuwento kaya o ano ang role ng bawat isa.
Na-curious din kami kung ano ang karakter ni Aga para tanggapin niya ito pagkalipas ng mahabang panahong pamamahinga sa paggawa ng pelikula at higit sa lahat, hindi siya lang ang bida. Nasanay kasi kami na kapag Aga Muhlach, solo lang niya ang limelight at siya ang poste.
Pero sa Seven Sundays, lumalabas na si Ronaldo Valdez pala ang poste samantalang mga anak niya sina Aga, Enrique, Cristine at Dingdong na wala nang panahon sa kanilang ama simula nu’ng pumanaw ang kanilang ina. Nalaman ito nang sabihin ng una na, “Kaya siguro hindi na dumadalaw ang mga anak mo kasi wala na ‘yung niluluto mong pansit.”
May kurot agad sa puso namin ang trailer ng pelikula na sa pamilya umiikot ang istorya, lalo na’t hindi na rin kumpleto -- tulad namin na nawalan na ng inang laging nakaalalay sa aming magkakapatid noong nabubuhay pa.
Tulad ng The Greatest Love ni Sylvia Sanchez na wala na ring panahon ang mga anak na ipatawag niya para sabihing mamamatay na siya pero sa halip na magkasundu-sundo ay nag-away-away pa.
Naniniwala kami na hindi lang trailer ng Seven Sundays ang maganda kundi buong pelikula, dahil si Direk Cathy ang nasa likod ng mga kamera. Hindi pa naman kasi kami binigo ng nasabing direktor, di ba, Bossing DMB?
(Sinabi mo pa! -DMB)