PINAGTIBAY ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagkilala sa karapatan at kapangyarihan ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pagpili at pag-organisa ng mga programa para sa paglahok ng atletang Pinoy sa iba’t ibang international competition, kabilang ang SEA Games at Asian Games.
Sa liham ng CHED kay Department of Education Assistant Secretary Tony Umali, in-charge of Legislative Affairs, Partnerships at External Linkages, sinabi ni CHED Chairperson Patricia Licuanan na may karapatan ang PSC para makapili ng mga players na isasagupa sa international tournament.
“These are powers belonging to the PSC,” pahayag ni Licuanan patungkol sa provision sa Republic Act 6847, ang batas na nagbuo sa PSC noong 1990.
Inilabas ng CHED ang klaripikasyon matapos ang ilang pagkakataon na sa CHED huminge ng endorsement ang ilang institusyon at sports body para makalahok sa torneo sa abroad.
Ikinalugod ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang paglilinaw na ginawa ng CHED at pagsang-ayon sa gawain at responsibilidad ng ahensiya sa amateur sports batay sa kapangyarihang ibinigay ng batas.
“We thank CHED for this nod. When we put things in order, it is easier for us to work together for development. Both CHED and DepEd are valuable partners of the PSC in sports development among the youth,” pahayag ni Ramirez.
Para mas maipatupad at malinawan ang aspeto ng papel ng PSC, magsasagawa ang ahensiya ng National Consultative Meeting for Collegiate Sports sa Oktubre 17-18 sa Philsports Multipurpose Arena sa Pasig City.
“University sports has always played a big role in elite sports. It has been a rich ground of sports talent and we want to continue to support them,” sambit ni Ramirez.
“PSC is very serious in strengthening grassroots sports. School sports is a pertinent component of that effort,” aniya.
Samantala, ipinahayag ni Ramirez na nakikipag-ugnayan na ang PSC-NSA Affairs sa tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medieldia para personal na igawad ng Pangulong Duterte sa Malacanang ang cash incentives sa mga atletang nagwagi ng medalya sa 9th Asian Para Games at 5th Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG).
“They (athletes) deserves this. We are coordinating with the PMS as to the availability of the President,” aniya.
Nagwagi ang Team Philippines ng kabuuang dalawang ginto, 14 silver at 14 bronze medal sa AIMAG, habang humakot ng 20 ginto, 20 silver at 29 bronze ang Asean Para Gamers.