ANG pamamaril sa Las Vegas nitong Linggo, Oktubre 1, ang pinakamatinding pag-atake ng pamamaril sa kasaysayan ng Amerika. Ito ang pinakamalalang pag-atake kasunod ng pambobomba sa World Trade Center sa New York City noong Setyembre 11, 2001.
Batay sa datos nitong Lunes, Oktubre 2, nasa 59 na katao ang kumpirmadong nasawi at 527 ang nasugatan nang magpaulan ng bala ang nag-iisang suspek mula sa bintana ng inookupa niyang silid sa ika-32 palapag ng hotel sa mga dumalo sa country music festival sa Las Vegas, Nevada. Mas malala pa ito sa pamamaril sa Orlando, Florida, noong 2016 kung saan 49 ang napatay; higit pa sa pamamaril sa campus ng Virginia Tech sa Blacksburg, Virginia noong 2007, na 33 ang napaslang.
At walang nakaaalam kung bakit ginawa ng namaril sa Las Vegas ang krimen, dahil bago pa man siya makorner ng mga pulis sa tinutuluyan niyang hotel room ay nagpatiwakal na siya. Hindi siya immigrant mula sa alinmang bansang mayorya ng Muslim na ipinagbawal ni President Trump, sa bisa ng isang executive order, o isang ilegal na mamamayan mula sa katimugan ng hangganan, kung saan plano ni Trump na magtayo ng pader. Sakali man na napabilang siya sa alinman sa mga ito, magiging exhibit No. 1 sana siya sa pagsisikap ni Trump na maprotektahan ang Amerika mula sa iba pang mga bansa, karamihan ay sa may Gitnang Silangan.
Mistulang walang kaugnayan ang 64-anyos na suspek na si Stephen Paddock sa alinmang grupong militante, at malinaw na mag-isa lamang nang isagawa ang krimen. Sinasabing mayaman siya, isang golf-playing gambler na nakatira sa payapang komunidad ng mga retirado sa Mesquite, Nevada, ilang bayan lamang ang layo sa Las Vegas.
Maraming pag-iimbestiga ang kailangang gawin upang matukoy ang ugat ng trahedya—partikular na ang dahilan ni Paddock upang gawin ang krimen. Sa mga nakalipas na insidente, malinaw na natukoy ng mga imbestigador ang motibo. Sa pag-atake sa World Trade Center, halimbawa, ang kalalakihang nagmando sa mga na-hijack na eroplano pasalpok sa kambal na matatayog na gusali ay mga Arabong teroristang jihadist na determinadong magdulot ng trahedya sa Amerika. Ang pamamaril sa isang men-only nightclub sa Orlando ay isang hate crime; nabatid na ikinagalit ng suspek ang mga relasyon ng lalaki sa kapwa lalaki. Sana ay malaman din natin kung ano ang dahilan ni Paddock sa ginawa niyang massacre.
Sa kasalukuyan, tiyak na muling bubuhayin ng pamamaslang sa Las Vegas ang matagal nang kontrobersiya sa walang hirap na pagmamay-ari ng mga Amerikano ng mga baril. May determinadong sektor ng mga Amerikano na maigting na nakikipaglaban sa karapatan ng bawat mamamayan para magmay-ari ng baril, isang karapatang protektado ng mismong Konstitusyon ng Amerika.
Mayroong 23 baril si Paddock, kabilang ang dalawang rifle na may scope na nakakabit sa mga tripod sa bintana ng tinuluyan niyang hotel room. Karamihan ay matataas na kalibre ng assault rifle. Mula sa kanyang puwesto, paulit-ulit siyang namaril sa mga dumalo sa concert. Ayon sa isang saksi, ilang bugso ang pamamaril, na tumagal ng kabuuang 10 minuto.
Sa mga susunod na araw at linggo ay magiging abala ang mga imbestigador sa dahilan ng pagmamay-ari ni Paddock ng napakaraming matataas na kalibre ng baril, gayundin ang hindi natukoy na motibo niya. Kaisa ang buong mundo, masusi nating susubaybayan ang mga susunod na mangyayari dahil isa itong pambihirang krimen, na ipinagdarasal nating hindi mangyari rito sa sarili nating bansa.