Ni: Orly L. Barcala at Mary Ann Santiago
Magkasunod na sunog ang naganap sa Caloocan at Maynila kamakalawa.
Mahigit 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa pagsiklab ng apoy sa isang barangay sa Caloocan City.
Sa report ng Caloocan City Bureau of Fire Protection, sumiklab ang apoy sa Barangay 36 ng nasabing lungsod, bandang 4:00 ng hapon.
Sa inisyal na imbestigasyon, sa bahay ni Lina Catacutan nagmula ang sunog at hanggang ngayon ay inaalam na kung ano ang pinagmulan nito.
Dahil dikit-dikit ang mga bahay at pawang gawa sa light materials ay mabilis na kumalat ang apoy at tinupok ang 50 bahay sa loob ng apat na oras.
Walang iniulat na nasaktan o nasawi sa sunog at aabot sa P1.5 milyon ang halaga ng natupok na ari-arian.
Samantala, isang dalawang palapag na apartment ang nilamon ng apoy sa Sta. Mesa, Maynila.
Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection, nagsimula ang apoy sa unit ng isang Roger Uchi, 75, na matatagpuan sa ikalawang palapag ng apartment, sa Road 1, V. Mapa Street sa Sta. Mesa, bandang 3:12 ng hapon.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula bandang 3:56 ng hapon.
Wala iniulat na nasugatan o nasawi sa insidente at tinatayang aabot sa P500,000 ang halaga ng natupok na ari-arian.