Ni: Marivic Awitan
Laro ngayon
(Batangas City Coliseum)
7 n.g. -- Barangay Ginebra vs TNT Katropa
MAKALAPIT sa inaasam na back-to -back finals appearance sa PBA Governors Cup ang tatangkain ng crowd favorite at defending champion Barangay Ginebra San Miguel sa muli nilang pagtutuos ngayong gabi ng TNT Katropa sa Game 2 ng kanilang semifinals series sa Batangas City Coliseum.
Binawian at dinomina ng Kings ang Katropa nang tambakan nito ang huli, 121-94 sa Game 1 ng kanilang best-of-5 series noong Linggo sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Pitong manlalaro ng Kings sa pangunguna nina import Justine Brownlee at Joe Devance na tumapos na may 21 at 19-puntos ayon sa pagkakasunod ang nagsipagtala ng double digit kumpara sa TNT na mayroon lamang tatlo sa pamumuno ni Glenn Rice Jr.na may 26-puntos.
Muli, aasahan ni coach Tim Cone para sa target nilang ikalawang tagumpay sa semifinals maliban kina Brownlee at Devance sina, Japeth Aguilar. LA Tenorio, Sol Mercado, Greg Slaughter at Scottie Thompson.
Bukod naman kay Rice, sasandigan ni coach Nash Racela upang maulit ang naging panalo sa Kings noong eliminations para maitabla sa 1-1 ang serye sina Jayson Castro, Mo Tautuaa, Troy Rosario, Roger Pogoy at Harvey Carey.
Kasabay ng pag -alat ng kanilang opensa, naging malamya din ang depensa ng Katropa na sinamantala ng Kings upang makauna sa serye.