Ni: PNA

IPINAG-UTOS ng Department of Health-MIMAROPA ang pagpapadala ng mga hinihinging gamot at iba pang medical supply sa bayan ng Quezon sa katimugang Palawan, upang mapigilan ang pagdami pa ng kaso ng acute gastroenteritis o pagtatae sa ilang barangay.

“Although the cases are now declining, we are still continuing disease surveillance, and directly in coordination with the local and provincial health offices in case diarrhea cases in the affected barangays will again rise,” lahad ni DoH-MIMAROPA Director Dr. Eduardo Janairo sa isang pahayag.

Pinayuhan ng regional health official ang mga residente na magpasuri sa mga eksperto kapag nakaramdam ng pananakit ng tiyan, dehydration, at pagkakaroon ng malambot na dumi, upang mabigyan sila ng karampatang lunas.

Noong Setyembre 18, iniulat ng Quezon Rural Health Unit na mayroon nang 644 na kaso ng acute gastroenteritis. Mula sa bilang na ito, 358 ang dinala sa Quezon Medicare Hospital, 233 kaso sa Quezon Municipal Health Office, at 53 kaso sa Luke Society Clinic.

Inihayag din niyang batay sa pinagsama-samang datos mula sa Quezon Rural Health Unit at Palawan Provincial Epidemiological Surveillance Unit (PESU) mula Hulyo 4 hanggang Setyembre 18, ang pinakaapektadong mga barangay ay ang Alfonso XIII at Pinaglabanan.

Tumaas ng 79 na porsiyento ang kaso ng pagtatae kumpara sa naitalang historical average sa loob ng apat na taon, na mayroon lamang 359 na kaso mula 2013 hanggang 2016.

Kalahati sa kaso ng pagtatae ay naiulat na edad 18 pababa, at halos lahat ng apektado ay mga edad isa hanggang sampu.

Karamihan sa naitala ay mga batang babae.

Ayon sa resulta ng water source assessment na isinagawa ng Palawan Epidemiology, Surveillance and Statistics Unit sa munisipalidad ng Quezon nitong Setyembre 19-20, halos lahat ng pinagkukunan ng tubig, mga system, at mga refilling station, ay hindi sumusunod sa kaukulang health at sanitation requirements.

Matatagpuan din ang Escherichia coli o E. coli at amoeba sa ilang pinagkukunan ng tubig.

“Proper hygiene is the best prevention against diarrhea. Clean drinking water is also important. Frequent hand washing with soap and water prevents the spread of infection. Use hand sanitizer if possible,” sabi ni Janairo.