Ni GENALYN D. KABILING, May ulat nina Czarina Nicole O. Ong, Rommel P. Tabbad, at Leonel M. Abasola

Nahaharap si Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang sa dalawang reklamong administratibo kaugnay ng umano’y mali at ilegal na paglalantad niya sa sinasabing bank records ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa unang reklamong administratibo na inihain sa Office of the President, hiniling ng mga abogadong sina Manuelito Luna at Eligio Mallari ang pag-alis sa puwesto kay Carandang dahil umano sa graft at betrayal of public trust. Bukod kay Carandang, akusado rin sa nabanggit na kaso si Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman at ang mga miyembro ng fact-finding investigation unit ng Office of the Ombudsman-Mindanao.

Carandang copy

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ang ikalawang reklamo laban kay Carandang ay inihain naman ng mga dating kongresista na sina Jacinto Paras at Glenn Chong.

Ipinagharap ng patung-patong na reklamo si Carandang matapos siyang batikusin ni Pangulong Duterte sa umano’y pamemeke at ilegal na pagkuha ng mga ebidensiya laban dito.

‘BIASED AGAINST THE PRESIDENT’

Si Carandang ang namumuno sa imbestigasyon sa sinasabing tagong yaman ni Duterte, batay sa reklamong inihain ni Senator Antonio Trillanes IV. Una nang sinabi ni Carandang na nakuha niya ang mga bank information ng Pangulo mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), subalit itinanggi ito ng huli.

Iginiit pa nina Luna at Mallari na si Carandang “[has] blindly sided with Sen. Antonio Trillanes IV and is biased against the President.”

Giit pa nila, dapat na mapatalsik sa puwesto ang mga miyembro ng Ombudsman investigating team dahil sa gross misconduct sa umano’y ilegal na pagkakaroon ng bank records at documents.

“Carandang and Elman should be held administratively liable and meted the penalty of removal from office. As for the members of the Fact-Finding Investigation Team/Field Investigation Unit, Office of the Ombudsman-Mindanao, they, too, should bear the consequences of their acts and suffer the penalty of dismissal,” saad sa reklamo.

Makalipas ang ilang oras, naghain naman sina Paras at Chong ng mga reklamong grave misconduct, gross dishonesty, at gross negligence constituting betrayal of public trust laban kay Carandang dahil sa “malicious disclosures of falsified bank records of the President and his family”.

Alinsunod sa RA 6770 (Ombudsman Act of 1989), may kapangyarihan ang Presidente na alisin sa puwesto ang isang Deputy Ombudsman at ang special prosecutor sa paglabag sa Konstitusyon, treason, bribery, graft at corruption, at betrayal of public trust.

Una nang nagbanta ang Pangulo na magtatatag siya ng komisyon upang imbestigahan ang aniya’y nangyayaring kurapsiyon sa Office of the Ombudsman.

Kasunod nito, hinamon pa niya sina Ombudsman Conchita Carpio-Morales at Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na sabay-sabay silang mag-resign.

‘DI MAGRE-RESIGN

Kahapon, tumanggi si Morales na patulan ang hamon ni Duterte. Sa pahayag ng Office of the Ombudsman sa Facebook, sinabi ni Morales: “I will not be baited into abandoning my constitutional duties. If the President has charges against me, I am prepared to answer the charges against him in the same manner.”

Dagdag pa ni Morales, sila ay mga public official na “[have] sworn to uphold the rule of law”, kaya dapat na tuparin nila ang kani-kanilang tungkulin nang may “honor, honesty, and decency”.

Para naman kay Atty. Tony Laviña, dating dean ng Ateneo School of Government, may “chilling effect” sa pamamalakad sa pamahalaan ang banta ni Duterte kay Morales na hindi ito makikipagtulungan sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y itinatagong yaman nito.

‘DI PUWEDENG IMBESTIGAHAN?

“Your words (as president) actually have a chilling effect. That for me is what’s problematic in what the President said because that was tantamount to saying, ‘I am above the law. I’m above your jurisdiction. You can’t investigate me’,” paliwanag ni Laviña sa isang panayam sa telebisyon.

Nilinaw din ni Laviña na walang kapangyarihan ang presidente na lumikha ng fact-finding body na sisiyasat sa isang independent office, katulad ng Ombudsman.

Kaugnay nito, nababahala naman ang mga senador mula sa Liberal Party (LP) sa mga pagbabanta ng administrasyon sa Office of the Ombudsman at Korte Suprema.

“These attacks on our democratic institutions are alarming and unproductive. Independent and unbiased institutions should not be attacked but encouraged,” sabi ni Sen. Bam Aquino.

Nanawagan din si Sen. Kiko Pangilinan, LP president, sa Pangulo na ikonsidera ang una nitong pahayag na hindi makikipagtulungan sa imbestigasyon ng Ombudsman.