Ni: Bert de Guzman
HINAHAMON ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sina SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio-Morales na magbitiw silang tatlo sa puwesto. Inakusahan niya sina Sereno at Morales ng kurapsiyon. Inakusahan din niya ang dalawa na nagpapagamit umano sa pagsisikap ng kanyang mga kritiko at kalaban na sirain at mapatalsik siya sa Malacañang. Sina Sereno at Morales ay kapwa hinirang ni ex-PNoy.
Binalewala ng dalawang babae na may “balls” ang paghahamon ni PRRD. Pahayag ni Morales: “The Office has already stated its position; to abide by the constitutional duty.” Ibig sabihin, tuloy ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa umano’y tagong yaman ng Pangulo batay sa reklamo ng kanyang mahigpit na kritikong si Sen. Antonio Trillanes IV. Idinagdag ni Morales na hindi kayang takutin ni Mano Digong ang kanyang tanggapan. Ayaw ng kampo ni Sereno na mag-isyu ng statement. Itinanggi niya ang mga akusasyon laban sa kanya.
Nang manumpa bilang pangulo si PRRD, nangako siyang susundin at ipagtatanggol ang Constitution. May nagtatanong kung bakit ang isang constitutional body na tulad ng Ombudsman ay kanyang binabanatan at balak ding paimbestigahan gayong hiwalay na sangay ito at ginagawa lang ang tungkulin na tingnan at siyasatin ang mga kalokohan, kabalbalan at katiwalian ng mga pinuno at kawani ng pamahalaan. Bukod dito, nagtataka ang mga Pinoy kung bakit hindi raw siya (PRRD) pasasakop sa imbestigasyon ng Ombudsman.
Sapantaha ng mga mamamayan, si Pres. Rody ay nagiging balat-sibuyas (onion-skinned) sa mga batikos sa kanya bilang public official. Bukod kina Sereno at Morales, binanatan din niya si Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang nang sabihin niya na isang fact-finding investigation ang isasagawa upang tingnan ang claim ni Trillanes na si PDU30 ay may multi-milyong pisong bank accounts.
Tinira rin niya ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa pahayag nitong siya ay onion-skinned kapag pinagbibintangan ng umano’y katiwalian. Pahayag ng IBP: “Public office is a public trust and government official holds his life open to the public.” Samakatuwid, kapag ang isang tao ay naghahawak ng puwestong pambayan, siya ay bukas sa pagsusuri, pagbatikos at pagpuri ng taumbayan.
So, nagbibiro lang pala ang ating Pangulo nang sabihin niyang nais... niyang si Davao City Mayor Sara Duterte ang pumalit sa kanya bilang presidente ng Pilipinas. Biro lang daw ito. Isa raw senador ang gusto niyang pumalit sa kanya sa 2022. Sino siya? Hulaan nga ninyo. Sino bang senador ang halatang “sipsip” sa administrasyon batay sa mga imbestigasyon na ginagawa sa Senado?
Well, baka sabihin ng ating mahal na Pangulo sa bandang huli na nagbibiro lang siya nang hamunin niya sina Sereno at Morales na magbitiw sa puwesto. Sakaling mag-resign si PRRD, napakasuwerte naman ni VP Leni Robredo. Talagang ang maging pangulo ng bansa ay isang “destiny”.