ANG pagbisita ni United States President Donald Trump sa Maynila sa Nobyembre ay lubhang napakahalaga sa maraming aspeto.
Ito ang magiging unang pagbisita niya sa bahagi nating ito sa mundo, na matagal nang nangangapa sa paninindigan ng Amerika sa rehiyon simula nang biglaang iniurong ni Trump ang Amerika sa Trans-Pacific Partnership (TPP) trade agreement matapos siyang mahalal sa US presidential election noong Nobyembre, 2016. Ang TPP ang sana’y magiging pinakamalaking kasunduang pangkalakalan sa kasaysayan, ang resulta ng pitong taong pakikipagnegosasyon ng Australia, Brunei, Canada, Chile, Japan, Malaysia, Mexico, New Zealand, Peru, Singapore, Vietnam, at Amerika.
Subalit iginiit ni Trump na makasasama ito sa ekonomiya ng Amerika, bagamat naniniwala ang mga kritiko na mas malaki ang posibilidad na tinanggihan ito ni Trump dahil inisyatibo ito ni Obama. Anuman ang dahilan, nagbigay-daan ito sa karibal na Asia-Pacific free trade na pinangungunahan ng China na nagbubuklod sa 10 bansang kasapi ng ASEAN at sa China, Japan, South Korea, India, Australia, at New Zealand—subalit hindi kabilang ang Amerika.
Palaisipan ngayon sa mundo kung ano ang mas mabuting imumungkahi ng Amerika ngayong malinaw na idinidistansiya nito ang sarili mula sa lahat ng bansa sa Asya Pasipiko. Inaantabayanan nila ang pagbisita ni President Trump sa Asya para sa ASEAN Summit sa Maynila, at maglilibot din sa China, Japan, South Korea, at Vietnam. Inaabangan nila kung ano ang paninindigan ni Trump sa pakikipag-ugnayan ng Amerika sa bahagi nating ito sa mundo.
Ang pagbisita ni Trump sa bansa ay nation din sa panahong sangkot ang Amerika sa matindi at delikadong alitan sa North Korea. Nagpalitan ng bansa ang mga pinuno ng dalawang bansa—sina Kim Jong Un ng North Korea at Trump ng Amerika—na wawasakin ang isa’t isa. Ang pagbisita ni Trump sa Amerika ay maaaring makatulong upang makakuha ng suporta sa pagpupursige ng United Nations na pigilan ang nuclear at missile weapons development program ng North Korea.
At mayroon ding espesyal na dahilan ang Pilipinas upang mainit na tanggapin sa bansa si President Trump. Matatandaang nanamlay ang ugnayan ng dalawang bansa matapos na batikusin ni dating US President Barack Obama ang posibleng paglabag sa karapatang pantao ng kampanya ni Pangulong Duterte kontra droga.
Naging mas katanggap-tanggap para kay President Trump ang nasabing kampanya ni Pangulong Duterte at sa pagbisita niya sa bansa sa Nobyembre, posibleng magkasundo at maging malapit pa ang dalawang lider, na magbibigay-daan sa bagong kabanata ng mas malapit na ugnayan ng Pilipinas at Amerika. “President Trump will definitely receive a very warm welcome in Manila,” sinabi nitong Sabado ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.
Inaantabayanan natin ang nakatakdang pagbisita ni President Trump. At malaki ang pag-asam nating makatutulong ang pagbisita niya sa bansa upang maresolba ang maraming usapin at problema na nagsisilbing banta sa pandaigdigang kapayapaan at kaunlaran sa kasalukuyan.