TOTOO NA ‘TO! Masayang nagdiwang ang Dreaming Futbol United Under-11 team matapos ang matagumpay na kampanya sa 2017 Borneo Cup. (PING KAMANTIGUE PHOTO)
TOTOO NA ‘TO! Masayang nagdiwang ang Dreaming Futbol United Under-11 team matapos ang matagumpay na kampanya sa 2017 Borneo Cup. (PING KAMANTIGUE PHOTO)

Ni Brian Yalung

NATUPAD na pangarap ang nakamit ng Dreaming Futbol United (DFU) Philippines nang tanghaling kampeon sa under-11 category ng 10th Malaysia Borneo Football Cup kamakailan sa Kota Kinabalu, Malaysia.

Matapos ang apat na taong kabiguan sa torneo, nagpamalas nang katatagan ang DFU booters para malusutan ang host Media Mix Team Malaysia – binubuo ng mga players mula sa Sabah at Kota Kinabalu -- sa overtime, 3-2, sa Likas Stadium.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ito ang unang titulo ng DFU sa taunang torneo.

Kabilang ang Dreaming Futbol United sa walong koponan na sumabak sa under-11 category at hinati sa dalawang grupo.

Napasama ang DFU sa Group B na kinabibilangan ng tatlong Malaysian Team (MMT Junior, Tabs Manggatal at Kid Ball).

Naisalpak ni Jose Antolin “Pepi” Benitez ang unang goal para sa DFU sa first half. Nasundan ito ng head shot ni Ranzo Aljama mula sa pasa ni Jared Alexander Peña may 20 segundo lamang ang nakalilipas sa pagsisimula ng second half.

Ngunit, nakabawi ang Malaysian at naitabla ang iskor para sa extra period.

Sa overtime, nakumpleto ni Benitez ang dramatikong panalo ng Pinoy nang malusutan niya ang depensa ng karibal at nagawang gibain ang huling depensa ng goal keeper para sa winning goal.

“The young booters celebrated the winning goal, running around aimlessly in the air and looking for someone to hug,” pahayag ni Basti Lacson, ama nang isa sa miyembro ng koponan na si Mateo Sebastian Lacson.

“This team has been playing there for about four years. But they never achieved something as big as this. Before this championship, the best performance they had was in the third year. So far sila pa lang nanalo,” sambit ni Dr. Ping Kamantigue, ama ni goalkeeper Roman Artemio Kamantigue.

Sumabak ang koponan sa sariling gastos nang mga magulang ng mga players, ayon kay Dr. Kamantigue.

“We are really there because of coach Eliezer Fabroada. Also, keeping us together is team manager Ms. Josephine Concio. She is the one who psyches up the kids and each time she talks to them, the boys play differently,” aniya.

Bukod kina Aljama, Benitez, Kamantigue at Lacson, miyembro rin ng koponan sina Shaun Kendrick Saludez, Jared Alexander Pena, Calvin Sage Joson, Joaquin Abesamis, Adrian Bacolod, Linardo Lopez Jr., Sandro Antonio Trota, Aaron Peter Duenas, Enrique Jalandoni, Conrado Alfonso Benitez, Jairus Cyan Silonar, Zyvryx Jan Bracamonte, Novie Christian Paraiso, Kirk Ryan Sumbang, Joan Gabriel Saludez at Emmanuel Martin Puno.