Ni: Mina Navarro
Kailangang makumbinsi muna ang mga labor group bago sang-ayunan ang planong taasan ang buwanang kontribusyon sa Social Security System (SSS), sa susunod na taon.
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Unions-TUCP (ALU-TUCP), bilang bahagi ng public consultation ay inaasahan ng mga labor group na kukonsultahin sila ng SSS management sa nasabing isyu.
Binigyang-diin ng ALU-TUCP na susuportahan nila ang planong pagdadagdag ng kontribusyon kung makukumbinse sila ng SSS management na may pagbabago na sa koleksiyon nito, at may mga inuusig na delinkuwenteng employer, nagawan na ng aksiyon ang mga walang kabuluhang biyahe sa ibang bansa, ang sobrang bonus ng mga executive, at napag-ibayo na ang serbisyo nito sa mga miyembro.
Sinabi ni Tanjusay na kapag hindi nasagot nang maayos ng SSS ang mga nasabing isyu, tututulan nila ang pagtataas ng kontribusyon.