Ni: Argyll Cyrus B. Geducos

Sinabi ng Malacañang kahapon na kailangan ding berepikahin ang mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isinara ni Senador Antonio Trillanes IV ang isang offshore bank account nito sa pamamagitan ng online.

Ito ay matapos sabihin ng Development Bank of Singapore, Ltd. (DBS Bank) na hindi maaaring isagawa online ang pagsasara ng mga account, taliwas sa mga pahayag ni Duterte na isinara ni Trillanes ang kanyang account sa DBS-Alexandria noong gabi ng Setyembre 8.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, kailangang parehong berepikahin ang pahayag ni Duterte at ng DBS Bank upang maliwanagan ang tunay na istorya.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“All of these things have to be verified clearly. The President claims that it was done that way, so let’s make sure--and then there’s another party that says it’s not. So both aspects need to be verified,” ani Abella sa Mindanao Hour/Bangon Marawi press briefing sa Malacañang kahapon.

Ibinunyag ni Duterte nitong Biyernes na isinara ni Trillanes ang nasabing bank account noong Setyembre 8 bago maglabas ang senador ng bank secrecy waiver at bago siya magtungo sa Singapore para pasinungalingan ang mga alegasyon ng Pangulo.

“He terminated it online on September 8, 2017 past 10 p.m. then left for Singapore after that to show his waiver to the bank teller doon sa Singapore na wala siyang account,” ani Duterte sa PTV-4.

Idinagdag ni Duterte na matapos isara ang nasabing bank account, inilipat ang tinatayang 200,000 Singapore dollars sa isang Fabian Go.

Bunsod ng mga pahayag ng Pangulo, inulan ng mga katanungan ang official Twitter account ng multinational banking corporation ng Singapore kung posible nga bang magsara ng bank account sa pamamagitan ng online transaction.

Sinagot ng DBS Bank ang dalawang Twitter user na: ‘No.’

Ipinaliwanag pa ng bangko na kailangang personal na isara ng holder ang kanyang account sa home branch ng account o sa pamamagitan ng pagsumite ng materyales ng closure authorization form.

Tinawag ni Trillanes na pawang “imbento” ang mga akusasyon ng Pangulo.