HANGGANG ngayon ay pinagtatalunan pa rin ang aktuwal na kabuuang bilang ng mga napatay sa nagpapatuloy na kampanya kontra droga.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Information Office, nasa 3,151 na ang napatay simula noong Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 13, 2017.
Ibinigay ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management ang nasabing bilang na naitala simula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 24, 2017: 6,011 homicide, na 1,398 sa mga ito ang kumpirmadong may kinalaman sa droga, at 3,785 ang patuloy na iniimbestigahan.
Enero 31, 2017 nang iulat ng PNP na 2,555 “drug personalities” ang napatay simula nang magsimula ang kampanya kontra droga noong Hulyo 2016, na sinundan ng 60 iba pa.
Sa isa pang report ng PNP, sinabing 1,300 kaso na unang itinuring na deaths under investigation ang kumpirma na ngayong may kinalaman sa ilegal na droga. Mayroong 2,600 nasawi sa operasyon ng pulisya makaraang manlaban at malagay sa panganib ang buhay ng pulis na aaresto rito.
Marso 2017 nang ihayag naman ng tagapagsalita ng PNP na mayroong 2,600 drug suspect ang napatay sa operasyon ng pulisya, habang 1,398 na pagkasawi na unang iniugnay sa droga ang sinisisi na ngayon sa mga vigilante.
Sa harap ng magkakaibang datos na ito ng PNP, nariyan pa ang mga “unofficial figures”. Sa isang artikulo sa isang journal, nakasaad na ang drug war “has claimed the lives of as many as 9,000 suspected drug dealers and users”.
Sinulat naman ng isa pang mamamahayag: “The latest unofficial count has already placed the extrajudicial killings and other human rights incidents at 14,000.”
Sa loob ng maraming buwan, karamihan sa mga Pilipino ay hindi alintana ang magkakaibang bilang na ito. Sapat na para sa kanila na tinutugunan ng gobyerno ang problema na lumubha na sa loob ng maraming taon. Subalit ang lagi nang katwiran ng pulisya na maraming suspek ang nanlalaban ay hindi na naging kapani-paniwala habang patuloy na lumolobo ang estadistika. Daan-daan ang nanlaban? Libu-libo? Hindi ba sumailalim sa pagsasanay ang mga pulis upang payapang arestuhin ang mga suspek at idiretso ang mga ito sa piitan para ikulong?
Ang resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Miyerkules ay sumasalamin sa tumitinding pagdududa ng publiko. Nasa 54 na porsiyento ang sumang-ayon sa pahayag na karamihan sa mga napatay ay hindi naman talaga nanlaban sa mga pulis. Nasa 20 porsiyento lamang ang hindi sumang-ayon, habang 25 porsiyento naman ang hindi makapagpasya.
Isinagawa ang survey noong Hunyo 23-24.
Ito ay bago pa mapatay ang 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos sa isang police operation noong Agosto 16, at bago dalawa pang lalaking teenager—sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” De Guzman—ay matagpuang patay sa huling bahagi ng nasabing buwan. Sakaling ginawa ang survey matapos ang nasabing mga pamamaslang, malaki ang posibilidad na mas mataas pa ang porsiyento ng mga taong nagdududa sa sinasabing panlalaban.
Dapat na bigyang-diin na hindi sinasalamin ng resulta ng survey ang kampanya kontra droga ni Pangulong Duterte, kundi sa partikular na paraan na mistulang umabuso sa tungkulin ang ilang pulis. Nananatiling dakila ang misyon at layunin ng kampanya kontra droga, na mahalagang maisakatuparan upang iwasto ang ilang taong kawalang tugon ng mga nakalipas na administrasyon.
Dapat na magpatuloy ang kampanya kontra droga, ngunit mahalagang igalang nito ang karapatang pantao at bigyan ng karampatang respeto ang mga umiiral na batas sa bansa.