Ni: Orly L. Barcala
Umaaray ang maliliit na negosyante, gaya ng karinderya at mga bakery, sa P4.90 dagdag presyo sa kada kilo sa tangke ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) na ipinatong nitong Oktubre 1.
Sa pag-iikot ng may-akda sa Northern Metro area, iisa ang sentimiyento ng mga consumer, sabay kamot sa ulo dahil sa panibagong konsumisyon sa pagtaas ng presyo ng LPG.
Isa si Aling Norma Merin sa mga may-ari ng karinderya sa Caloocan City na naghihimutok. Sa dating P475 kada-tangke ng LPG, kumikita siya sa maghapon ng halos P500, pero dahil P540 hanggang P570 na ang presyo ng cooking gas ngayon, tiyak na mababawasan na ang kanyang kita.
“Hindi naman ako puwedeng magtaas ng presyo ng paninda ko, kasi ang daming kumpetensiya,” ani Aling Norma.