Ni: Mary Ann Santiago
Kumpleto na ang mga balotang gagamitin para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 23, 2017, iniulat ng Commission on Elections (Comelec).
Ito ay kahit wala pang kasiguruhan kung matutuloy nga ang pagdaraos ng naturang halalan matapos pagtibayin ng Kongreso ang panukalang batas na ipagpaliban ito.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, dakong 6:00 ng gabi ng Setyembre 30 natapos ng National Printing Office (NPO) ang pag-iimprenta sa mga balota.
Para sa Barangay Elections, 43,741,986 ang naimprentang balota, at 15, 836,360 naman para sa SK polls.
Muling nilinaw ng Comelec na ang halos 60 milyong balota ay para lamang sa eleksiyon sa Luzon at Visayas dahil nauna nang nagpasya ang En Banc na ipagpaliban ang halalan sa Mindanao dahil sa rebelyon.