Ni REGGEE BONOAN

INIMBITAHAN at dumalo sa 25th Anniversary ng Star Magic ang pamilya Atayde na sina Art, Sylvia, Arjo at Ria.

“Ayaw ni Art sumama kasi hindi naman daw siya artista, eh, ako naman okay lang na wala siya kasi sanay na naman akong hindi talaga sumasama sa showbiz events si Art, mahirap ’yan mapapunta.

Ria, Art, Sylvia at Arjo copy

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Pero nakiusap ang dalawang bata na sumama siya kasi kaming pamilya ang inimbita at saka sabi rin ni Ria, ‘Milestone ito sa career namin at may picture tayo together sa 25th anniversary ng Star Magic’ kaya pumayag na rin tatay nila,” kuwento ni Ibyang kahapon.

Mabuti na lang daw bukas kahit anong oras ang designer nilang si Frankie de Leon na mahigit isang dekada na ring kaibigan ng aktres.

“Nakilala ko kasi si Frankie sa mommy ni Art (Mrs. Pilar Atayde) dahil siya ang designer ng mommy, simula noon, sa kanya na ako, siya rin ang tumahi ng wedding gown ko pati suit ni Art.

“Kaya kapag may ganitong mga event, si Frankie ang takbuhan naming pamilya at four days lang tapos na lahat,” kuwento ng aktres.

Talk of the town ang suit ni Papa Art dahil para raw siyang si Marlon Brando sa The Godfather(1972).

Karamihan naman kasi sa suit ng mga lalaking dumalo sa Star Magic ball ay pawang plain kaya biniro ni Billy Crawford ang daddy nina Arjo at Ria ng, ‘May nanalo na sa suit.’

Samantala, walang ka-date si Arjo sa Star Magic Ball.

“Ayaw niya, gusto niya lalakad siya nang mag-isa sa red carpet,” sabi ni Ibyang.

Bagamat nasusulat na may girlfriend na si Arjo, hindi naman sila napagkikita ng publiko. Ang katwiran ng aktor, trabaho muna ang prayoridad niya at makakapaghintay ang lovelife. Lalo na ngayong mabigat ang papel niya bilang anak ng nanay niya sa bago nilang teleserye sa GMO unit.

Samantala, muli na namang pinarangalan bilang best actress si Ibyang sa 7th EdukCircle sa University of the Philippines nitong nakaraang Sabado. Nitong nakaraang Huwebes, lumipad siya ng Mindanao para tanggapin ang award bilang Outstanding Citizen of Nasipit, Agusan del Norte mula sa Nabata (Nasipit Balik-Tan-Aw) group.

Dalawampu’t dalawang propesyonal ang nakasabay ni Ibyang na tumanggap ng award at siya lang ang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pero siya ang ibinoto upang maging speaker.

Ang paliwanag ng moderator, nakilala at nababanggit ang Barangay Nasipit, Agusan del Norte sa buong mundo dahil nababasa sa mga pahayagan, naririnig sa radyo at napapanood sa telebisyon dahil lagi itong binabanggit ni Sylvia sa mga interbyu niya.

Tinatanaw din ng Barangay Nasipit ang lahat ng mga kabutihang ginagawa ng aktres sa mga kababayan niya lalo na kapag may mga sakuna o nangangailangan ng tulong nang walang hinihintay na kapalit.

“Nagulat nga ako nu’ng sinasabi nila sa akin ‘yun, akala ko kasi kami-kami lang na mga kababayan ko ang nakakakita.

Wala naman akong bitbit na TV camera para ikober,” kuwento ni Ibyang.

Pagkagaling ng Agusan del Norte, lumipad naman si Ibyang patungong Vigan, Ilocos Sur para sa Ilocos BeauteDerm caravan. Kasama sa endorsement contract sa BeauteDerm na lilibutin niya ang buong Pilipinas at sa ibang bansa kung saan may outlets ito. Katatapos lang i-shoot ni Ibyang ang indie movie na ‘Nay mula sa Cinema One Originals na mapapanood na sa filmfest nito sa Nobyembre 10-20 at isusunod na ang Mama’s Girl ng Regal Entertainment.

May dalawang indie films na siyang tinanggihan.

“Hindi ko na kaya, Reggs, hindi na kaya ng katawang lupa ko, maski gusto kong tanggapin kasi sayang din. Bumibigay na ang katawan ko. Actually, three indie films ‘yun, isa lang and natanggap ko kasi may isang araw na shooting ngayong October at next year na ulit, kaya kaya pa ng schedule ko,” kuwento ni Ibyang.