Ni: PNA
WALO pang munisipalidad ang idineklarang rabies-free noong nakaraang linggo, kaya may kabuuan nang 49 na munisipalidad sa buong Pilipinas ang idineklarang walang insidente ng rabies sa tatlong magkakasunod na taon.
Idineklara ng Department of Health (DoH) na rabies-free ang mga bayan ng Batuan, San Jacinto, San Francisco, at Monreal sa Ticao Island sa Masbate; ang Corcuera, Banton, at Concepcion sa Romblon; at ang President Carlos P. Garcia sa Bohol.
Ito ay karagdagan sa 41 munisipalidad na una nang idineklara na rabies-free dahil sa nairehistrong zero animal at human rabies sa loob ng tatlong taon, saad ni Dr. Mario Baquilod, director ng DoH-Disease Prevention and Control Bureau, sa mga mamamahayag sa press conference para sa 2017 National Rabies Summit sa Maynila kamakailan.
Inihayag ni Baquilod na ang deklarasyon ng mga munisipalidad bilang rabies-free ay kinikilala ng mga top-performing local government units para sa implementasyon at pagpapanatili ng programa sa libreng bakuna sa aso, na layuning itaas ang kamalayan sa mga sakit na maaaring makuha sa aso, sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga magulang kung paano maiiwasan ang rabies, lalo na sa kabtaan. Binigyang-diin din ang importansya ng pagdulog sa mga pagamutan kung makakagat ng asong hindi nabakunahan kontra rabies, pagtatayo ng mga animal bite treatment center, pagtatatag ng mga impounding system para sa mga pagala-galang hayop, at pagsusulong ng kamalayan sa responsableng pangangalaga ng hayop.
Noong 2016, nakapagtala ang National Rabies Prevention and Control Program ng DoH ng 209 na kaso ng pagkamatay sa 1,362,998 kagat ng hayop na nairehistro sa buong bansa, aniya, at sinabing 57 porsiyentong mas mataas ito kaysa 783,879 na nairehistrong kaso noong 2015.
Halos lahat ng kaso ng rabies sa tao ay naitala sa Central Luzon na mayroong 33 kaso, 23 sa Calabarzon, 22 sa Bicol, 18 sa Ilocos, at 17 sa Hilagang Mindanao. Sa Pangasinan ay nakapagtala ng 18 kaso, 13 sa Bulacan, 12 sa Camarines Sur, siyam sa Bukidnon, at tig-walo sa Leyte, South Cotabato at Nueva Ecija.
Sa pag-asang matatamo ang rabies-free Philippines sa taong 2020, nagbibigay ang DoH ng libreng anti-rabies vaccine para sa post- and pre-exposure prophylaxis sa lahat ng animal bite treatment center, habang ang PhilHealth ay nagbibigay naman sa mga kuwalipikadong miyembro ng package na makatutulong upang mabawasan ang gastos sa gamutan.
Samantala, paulit-ulit namang inihayag ni Health Secretary Paulyn Ubial ang importansya ng responsableng pangangalaga sa mga alagang hayop, na nakasaad sa Republic Act No. 9482 o ang Anti-Rabies Act of 2007.
Nakukuha ng tao ang rabies sa pamamagitan ng kagat o kalmot ng hayop, na karaniwan ay mula sa aso. Maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng anti-rabies vaccine, ngunit kapag nagsimula na ang impeksiyon, maaari itong mauwi sa pagkamatay.