Ni: Lyka Manalo
BATANGAS - Tatlong lalaki ang naaresto matapos lumabag sa gun ban ng Commission on Elections (Comelec) sa magkakahiwalay na lugar sa Batangas, nitong Linggo.
Dakong 2:00 ng umaga nang maaresto sa checkpoint ang negosyanteng si Mark Jayson Atienza, 26 anyos.
Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), sakay sa Honda Civic (XCB-641) si Atienza nang parahin sa Comelec checkpoint sa J.P. Rizal Street, Barangay Poblacion 1 sa Bauan at nakuhanan ng isang .45 caliber pistol at mga bala.
Arestado rin si Rolando Alano, 72, matapos umanong barilin si Eusebio Ely, 48, sa Bgy. Banaba West, Batangas City, at nakumpiskahan ng .22 caliber.
Samantala, inaresto rin si Von Mangundayao, 35, matapos magpaputok sa Bgy. Cawongan sa Padre Garcia at nakumpiskahan ng .45 caliber pistol.