Ni: Kate Louise B. Javier
Naging busy ang unang araw ng mga bagong talaga sa Caloocan City Police makaraang makadakip ng nasa 28 katao, kabilang ang ilang menor de edad, simula nitong Linggo ng gabi hanggang kahapon ng umaga, bilang bahagi ng “Oplan Rody” (Rid the Streets of Drunkards and Youth) sa lungsod.
Sinabi ni Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan City Police, na pitong menor de edad ang inaresto sa paglabag sa curfew, simula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga, habang 21 naman ang pinagdadampot sa pag-iinuman sa lansangan at sa paglabas ng bahay nang walang damit pang-itaas.
Binigyan ng warning ang mga magulang ng mga naarestong menor de edad, habang dinala naman sa presinto ang iba pang nadakip.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ni Senior Supt. Modequillo ang mga bagong talaga sa Caloocan City Police na istriktong tumupad at magpatupad ng batas sa lahat ng operasyon ng pulisya.
Nasa 1,000 operatiba ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) ang pumalit sa kaparehong bilang ng mga nasibak na pulis-Caloocan.