PINATUNAYAN ni Richard Pumicpic na totoo ang tibay ng kanyang mga panga matapos talunin si one-time world title challenger Hisashi Amagasa sa 12-round unanimous decision para maiuwi ang bakanteng WBO Asia Pacific featherweight title nitong Setyembre 29 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.
Unang nagpasiklab si Pumicpic nang dumayo sa Cabo San Lucas, Mexico noong Oktubre 29, 2016 at muntik patulugin sa 10th round si WBO No. 1 super bantamweight Cesar Juarez na sumikat naman sa pagpapatulog kay world ranked Filipino Albert Pagara.
Hindi natakot si Pumicpic na makipagsabayan kay Amagasa na nakilala nang dalawang beses mapabagsak at halos mapatulog si WBA at WBO super bantamweight champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba noong 2014 sa Osaka, Japan.
Nagwagi ang tubong Zamboanga del Norte na si Pumicpic sa mga iskor na 115-113, 115-112 at 117-111 para mapaganda ang kanyang rekord sa 20-8-2 na may 6 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Amagasa sa 33-7-2 na may 21 panalo sa knockouts.
Umaasa si Pumicpic na papasok sa September world rankings para magkaroon ng pagkakataon na hamunin si WBO featherweight champion Oscar Valdez ng Mexico na nahirapang maidepensa ang kanyang titulo sa Pilipino ring si Genesis Servania kamakailan. - Gilbert Espena